Triumph Bra at Panganib sa Kilusang Paggawa

by rolandotolentino

Imahen mula sa http://www.clothesyoulike.co.uk

Magduda kapag ang pangalan ng higanteng global na negosyo ay “Triumph.” Ipagtatagumpayan talaga nito ang determinasyong kumita. At wala namang pagkakataong iniinda ang pagkita nang di iniinda ang kaakibat na exploitasyon ng manggagawa nito.

Sa Filipinas, ang mga kompanya ay kundi pangalan ng santo (San Miguel) ay apelyido ng angkan (Ayala, Soriano, Lopez, at iba pa). At ang proper noun na batay sa orihinaryong pangalan ang siya rin naman referensiya sa politikal na mga angkan sa lokal at pambansang politika (Villafuerte, Escudero, Conjuangco, Zubiri, at ngayon Arroyo). Tantya nga ay mayroon lamang 250 pamilya sa bawat lokalidad na nagmamayhawak ng kapangyarihan sa iba’t ibang antas ng burukrasya ng bansa.

May isang obrang pelikula si Leni Riefenstahl, Triumph of the Will (1935) na nananatiling paksa ng maraming debate. Sa isang banda, makabago at inobatibo ang gamit ng direktor sa mga elemento at teknik ng pelikula kaya turing dito ng maraming kritiko ay isang obra maestro. Sa kabilang banda, itinuturing din ang pelikula bilang propaganda ni Hitler at Nazismo, na ang proyekto ay ang pagtataguyod ng Aryan racial supremacy.

Imahen mula sa http://www.alptraumwelleclassik.blogspot.com

Simboliko ang gamit sa “Triumph” bilang brand ng undergarment ng babae. Suporta sa dibdib at panakip sa ari ang batayang gamit sa panloob ng babae. Dati ay kamison lang ang lahat ng ito. Na ginawang bahagi ng urban legend ng producer na si Mother Lily Monteverde nang gamitin niya ang kamison bilang pagmamarka kung sino ang kanyang ilulunsad na babaeng starlet sa pagkabituin.

Na ayon naman sa nagsusulatang magkaibigang Urbana at Feliza, ang angkop na kostumbre ng babae bilang panloob ay walang panloob. Wala bang ipinagtatagumpayan ang naka-gungho lamang, walang saplot? Na parang sa lalake na may choice pa: boxer or briefs? o commando, ang babaeng panloob ay walang pagpipilian kundi ang pumili ng panloob.

At ito ang stratehiya ng branding ng Triumph undergarment: walang pagpipilian kundi piliin itong internasyonal na brand of choice ng maraming gitnang uring kababaihan. Naalaala ko ang mga ilang kapitbahay namin sa San Leonardo, Nueva Ecija. Ang mga ina at lola ay nananahi ng bra mula sa retaso, na ipinapasok sa middleman kundi ay ibinebenta sa komunidad.

Naalaala ko rin na may mga babaeng tumutungo sa bahay, may bitbit na brochure at inaalok ang nanay ko na bumili na nga nitong Triumph bilang marka ng pagkaangat sa ibang kababaihan sa komunidad. Mahilig din ang nanay ko sa lako, nauna na rito nang siya sa mga unang magka-Tupperware sa bayan namin. At sa mas unang panahon, isa sa mga unang nagkaroon ng console television.

Ang pagbili ng gitnang uring panloob na Triumph ay isang tagumpay sa bagong makauring rekognisyon ng pag-angat sa maraming kababaihan mula sa mababang uri. Ilan sa manggagawa ng Triumph ang nakakabili ng brand na ito para gamitin sa pang-araw-araw? Ang stilo ng pagbebenta—ang network sales marketing na may pagka-pyramid scheme din—ay paglikha ng gitnang uring kapitalistang komunidad ng kababaihan: babae ang lumilikha ng network na pagbebentahan at magbebenta ng pambabaeng panloob.

Kaya ang Triumph ay hindi lang tagumpay ng pagtamo ng modernidad ng kababaihan (makabagong stilo, mas sexy pero hindi kasing sexy ng brand na Victoria’s Secret) kundi ng gitnang uring status ng iilang kababaihan. Alam din natin na ang gitnang uri ay isang temporal na posisyon sa lipunan. Malamang, ang Triumph ay suot-suot di nga sa pang-araw-araw kundi sa ilang ofisyal at espesyal na okasyon.

Na sa araw nang walang pasok, halimbawa, mas mura kundi man pinaglumaan na panloob ang suot. Ang isinisiwalat nito ay ang tagumpay ng kapitalismo ng Triumph na kahit nga mababang uri—dahil sa presensya rin ng marketers sa kanilang hanay—ay pinapangarap na kundi man binibigyan ng limitadong akses sa gitnang uring panuntunan ng pagkababae: ilang gives (installment), ukay-ukay, biyaya ng OCW na nagpapasalubong o balikbayan box na may kasamang panloob.

Imahen mula sa http://www.nosweat.org.uk

Ang mababang uring babae, tulad ng kanyang katapat na maller, ay libreng pinapangarap na magkaroon ng inaakalang ordinaryong marka ng pagiging gitnang uri sa pamamagitan ng pagtunghay sa brochure, sampayan ng kapitbahay, display window, kwentuhan, at iba pang minor na media. Ang hindi isinasaad ng pagpapalaot sa Triumph bilang gitnang uring marka ng pagkababae ay ang operasyong nagsasantabi sa marami nitong kababaihang manggagawa.

Sa pagsuot ng babae ng bra at panty ng Triumph, nakikita niya ang imahen ng moderno at nakaaangat na babae, nararamdaman ang afekto nito. Mas pakiwari ay sexy, uso, makabago. Hindi niya nakikita ang pinagtutuntungan ng nakakaangat na imahen—ang kondisyon ng mas maraming babaeng naghihirap, o ang kanyang mismong a la-tsambang gitnang uring status ng pagkababae. At lalong hindi niya nakikita o nauunawaan ang kalakhan ay babaeng mananahi ng global brand na ito.

Ngayon ay namimiligro ang nakamit ng unyon matapos ng mahabang negosasyon para sa CBA. Unang naramdaman na may kaibang nagaganap nang ipadala ang nakalagak na hilaw na materyales sa pabrika sa Tsina at Vietnam, tinatayang mas mura ang sweldo ng manggagawa roon, at nang hindi na ni-renew ng kompanya ang kasunduan nito sa pag-upa sa FTI Complex sa Taguig City. Sa Oktubre 2009 matatapos ang kontrata.

Sa globalisasyon ng negosyo, hindi na nga mahalaga na magtaguyod ng factory sa mga bansang mas mura ang halaga ng produksyon at paggawa. Maari nang subkontratahin ng mga lokal na negosyo ang global na demand para sa mga produkto. Mas mabilis ang pagkilos ng produksyon, kasama ang lipatan nito nang hindi nasesementuhan ng CBA ng mga unyon. Ang kontratista na ang bahala sa kanyang manggagawa.

At ang sistemang ito ng imperialistang kapitalismo ang magtitiyak na ang kitang $1.6 bilyon ng multinasyonal na kompanyang Triumph na may headquarters sa Germany at Switzerland ay magpatuloy pang lumaki. At bahagi ng paglaki ay ang pagpapanipis sa 40,000 manggagawa sa produksyon at marketing nito sa 120 na bansa. Mananatili ang marketing pero hindi ang manggagawa sa produksyon.

Tatapusin lamang ng Triumph ang kanyang mga CBA sa iba’t ibang bansang may produksyon ito. Malamang, magsasara na ito, at aakomodahin nang ibang pambansang negosyong makakapagbigay ng mas murang bayad sa paggawa, mas hindi nakapakong kasunduan, mas flexible na kondisyon ng paggawa. Ang flexible ay ibang salita lamang para sa mas matinding pagsasamantala ng global na paggawa.

Kaya ang bigwas ng Triumph sa lokal na manggagawa ay hindi naman personal. Ito ay natural na rekurso ng negosyong naglalayon pa ng higit na kita sa edad na tumitindi ang global na krisis ng kapitalismo. Para nito mapanatili ang kanyang pamumuno sa produkto ng panloob na babae, mangangailangan itong mas umangkin ng flexibilidad, kasama ng flexible subcontracting practices, at maging ang lalo pang flexibilisasyon ng mga lokal na paggawa.

Ang dulot ng krisis ay gawing pasibo ang manggagawa. Tanggapin na lamang ang kaakuhan ng bigwas ng kapitalismo: subkontrakwal imbes na tungo sa permanensiya, subkontrakwal na mas bawas ang benefisyo, mas walang taning ang kondisyon at panahon ng paninilbihan, mas mababang pasweldo, mas walang tungkulin ang negosyante sa manggagawa. Kasama rin dito, ang gamit ng fasismo ng estado.

Ang Pilipinas ang pinakapeligrosong bansa sa Asya para sa manggagawa. Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights, 91 na manggagawa na ang napaslang simula nang umupo sa kapangyarihan si Gloria Arroyo. At ito ang bigwas sa natural na pagdaloy ng imperialistang globalisasyon ng kapitalismo sa manggagawa ng bansa at mundo: sa pamamagitan ng pagbabago sa aktwal na praktis ng pagtratrabaho at produksyon, at ang pagbebenta ng gitnang uring fantasya sa maraming konsumerista, nagiging lehitimo ang pinakamarahas na pagdanas ng pagkatao at pagiging manggagawa.

Na kahit ang ordinaryong manggagawa ang nakapagsuot ng branded na panloob, maglalaho ang kanyang makauring posisyon at ang imahen sa salamin at pakiwari sa katawan ay mag-aangat sa kanyang identidad tungo sa gitnang uring status. Pinapadulas ito ni Arroyo sa pagpapatuloy ng Visiting Forces Agreement, ng pag-aalok sa bansa sa paanan ng pandaigdigang negosyo, ng Con Ass (Constitutional Assembly) na magpapasok sa 100 porsyentong dayuhang pag-aari sa mga negosyo at lupain.

Ito naman ang combo-meal na alok ni Arroyo sa dayuhang negosyo. Suportahan ang Con Ass, at susuportahan niya ang kanilang pagpasok at pag-aari ng mahahalagang yaman at negosyo ng bansa. Kaya ang militansya ng Bagong Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Triumph International Philippines Inc. (BPMTI) ay pag-aakda ng pagtutol sa lalo pang nagbabagong kondisyon ng paggawa at negosyo sa bansa, maging sa diskarte ni Arroyo na ipisan ang special offer sa sarili nitong pagtatagal sa poder ng pambansang kapangyarihan.

Ang pag-aakda sa hinaharap ay magaganap lamang sa pagtutol, pagtataas ng kamulatang politikal, at pag-oorganisa. Ang bigwas ng kapitalismo ay bigwas sa pang-araw-araw. Lalong nagpapahirap sa mga manggagawa at batayang sektor, at nagpapalawak ng gitnang uring fantasya kahit na sa pinakaabang mamamayan. Ang pag-akda sa hinaharap ay kolektibong pagtutol na akdain ito ng interes na pwersa ng kontra-mamamayan.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-21 ng Hunyo, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements