Amoralidad ng burgis na mundo

by rolandotolentino

rebyu ng The Animals (Gino M. Santos, 2012)

Imahen mula sa http://aliwanavenue.files.wordpress.com/2012/06/theanimals.jpg

Madalang ang mundo ng burgis, iyong super-rich sa bansa na tunay na kabahagi ng naghaharing uri. May mga dalawa lang itong naging representasyon sa pelikula: sa Oro, Plata, Mata  (Peque Gallaga, 1982), ito ang mga haciendero’t ang kanilang angkan at ang kahinaan nitong makaagapay sa nagbabagong kondisyon ng pandaigdigang digmaan; o ang teeny boper na mga pelikula ni Sharon Cuneta, at ang suyuan at paghahanap ng romantikong pag-ibig ng mga taga-Forbes, Ayala Alabang at Dasma.

Lalo pang mahirap hanapin ang mga tauhan at mundo ng mayayaman sa indie cinema, na namumutiktik sa buhay ng abang uri, at ang buhay na walang ibang magaganap kundi higit na pagkalubog sa kumunoy ng panlipunang kontradiksyong patuloy na nagsadlak sa kanila rito. At walang pick-up ang international art film festival market dahil hindi ito umaayon sa representasyon ng “Philippine cinema” sa labas ng mundo ni Lino Brocka at ng namamayagpag na indie cinema.

Kaya tila nagtatapos na ang search for the next big thing in indie cinema. Matapos ng pagtungo sa mga subalternong karakter, rehiyonal na subalternong karakter, ngayon naman ay tumutungo na ang mundo ng indie cinema sa isa pang subalterno: ang aktwal na napakaliit na bilang ng maykaya sa lipunang Filipino—ang mayayaman.

Imahen mula sa http://www.cinemalaya.org/images/films/2012/the-animals-still-3-big.jpg

Sa Cinemalaya nga, may dalawang pelikulang ito ang mundong iniinugan: at ang mas matagumpay ay ang The Animals. Naririnig na natin ang kwentong ito: maykayang bagets na ang mundong iniinugan ay mga kunsitidor na magulang, pagmimintina ng yaman at posisyon sa buhay, at siempre, droga, sex at rock-and-roll.

Madaling malamon ng mundong ito dahil maaring tignan na mas exotiko kaysa sa subalternong buhay ng mga gang member sa Tundo, papataying bata’t kabataan ng mga vigilante, pamilyang nakatira sa loob ng naaagnas na sinehan, at iba pa. Magustuhan ang moral na pagkaguho ng mundo ng maykaya sa buhay.

Ang nagawa ng The Animals ay gawing amoral ang moralidad at imoralidad: walang konsensyang gabay sa teenage drinking, pagyakap sa urinal na puno ng basura’t suka matapos, kleptomaniac pati sa nanay, pagdroga ng inumin ng girlfriend ng kaibigan, hazing at ang test ng arbitraryong pagbugbog, at mama’s boy na paghingi ng paumanhin pagkatapos halos makapatay.

Ok lang ang ganito kapag ang mundong tinatalakay ay kapwa maykaya. Ang problema, idinadawit ang kanilang abang-uri: family driver na nagtsitsismisan sa kanilang mga amo habang nag-aantay, o ang taxi driver na gumahasa sa kaisa-isang maykaya na nagmintina ng kanyang dangal at puri para lamang madusta at mapatay ng tunay na abang uri.

Dito ay hindi maari ang amoralidad dahil may implikasyon itong kaya rin ipasaklaw ang niche na mundo ng maykaya sa mayoryang buhay ng abang uri. Nawawala ang talas ng kapasidad na makapagkomentaryo sa maykayang uri dahil sa huli, ang higit na mapanganib—at least, hindi nagtagumpay ang panggagahasa at hindi nakamamatay—ay nagmumula sa abang uri.

Imahen mula sa http://wetalkaboutmovies.files.wordpress.com/2012/07/the-shutdown-party.jpg

Maaring mapalampas ang pelikula sa pagtahak ng landas na ang abang uri ay mas ginagawang kaaba-abang uri dahil nga una itong sumeryoso sa indie cinema. Pero hindi pa rin dapat. Teknikal ang sinop ng pelikula sa editing, musika, sinematograpiya, at disenyong produksyon, pero batayan ang sablay sa pagmumundo sa maykaya na ang tunay na panganib ay inangkla sa “walang puso’t walang budhi” na nag-iisang figura ng abang uri.

Ang taxi driver ay bigoteng gusgusin kahit pa sa edad ng “It’s more fun in the Philippines” ay wala nang ganitong imahen ng driver. Ang napakatagal at napakarahas na paraan ng panggagahasa sa kolehiyala, ilang beses binugbog, at sa huling aerial shot sa pagtatapos ng pelikula ang resulta ng pang-aabuso ng abang uri: ang patay na katawan ng kanyang inabusong maykaya.

Kamatayan ang great equalizer, pero ang hindi lubos na isinasaad, kamatayan sa kamay na abang uri ang dapat pagbantayan ng mga maykaya: na mas mabuti nang kumapit sa kalabisan ng kapwa maykaya dahil inaasahan naman ito sa panlipunang relasyon ng mga ito. Huwag lang sa abang uri, dahil sa representasyon sa pelikula, ang peligro ay parating naririyan, sa bawat sulok at karanasang kahalubilo mo sila.

Kaya patuloy pa rin itong search sa unang seryosong pelikulang makakapagkomentaryo sa maykayang uri kahit pa mataas na ang estetikang pampelikula ang nakamit ng The Animals. Patuloy ang paghahanap dahil may siwang pa—alingasngas—na kailangan ng higit na sensitibidad sa iba pang uring pinapaloob ang maliit na mundong ito.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-28 ng Hulyo, 2012, Pinoyweekly.org.