Erotisismo ng salita at imahen

by rolandotolentino

Rebyu ng Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (Alvin Yapan, 2011)

Imahen mula sa http://sinebahaghari.pelikula.info/wp-content/uploads/2012/02/Ang-Sayaw-ng-Dalawang-Kaliwang-Paa-OST.jpg

Sa indie cinema, madalas ay dalawa lang ang modelo—komersyal na umaalinsunod sa template ng genre at narrative development, na may kalkuladong talas dahil indie cinema nga, at mataas na production value, tulad ng sa komersyal na pelikula; at neorealismo na isang-araw-sa-buhay na may kapasidad makapagbigay ng hayag na panlipunang komentaryo, nanggigitata sa pang-araw-araw na detalye, at open-ended na pagsasara ng naratibo.

May ipinapakilala, marahil ikatlong modelo, si Alvin Yapan sa kanyang Ang Sayaw sa Dalawang Kaliwang Paa, ang literary mode.  Sa isang banda, nasa lebel ng abstraksyon at metapisika ito, o may kapasidad na tumalakay sa unibersal at transhistorikal na katotohanan at tema tungkol sa buhay at pag-ibig.  Sa kabilang banda, dahil nakaugat ang piniling panitikan sa kulturang Filipino, ito ay nakaangkla sa panlipunan at historikal na kondisyon ng bansa—sa pelikula, ang kontemporaryong bansa.

May kakayahan ang literary mode na pansamantalang idiskarga ang bagahe ng indie cinema—bilang anti-tesis ng komersyal na pelikula, ang pagmamarka ng kontraryong posibilidad sa indie kahit na komersyal ang trajektori o/at panuntunang makapagbigay ng panlipunang komentaryo—at tumalakay ng aspekto ng pagkamamamayan at pagkabansa na wala (pa) sa anino nito.

Umuubra at nagtatagumpay ito dahil ang pusta ay nasa lebel ng idea at konsepto, parang kung at baka sakali lang, ganito naman ang mapapag-usapan…   Sa pagtahak ni Yapan, bilang scriptwriter at direktor, sa literary mode, lumalabas na figuratibo ang mga karakter at ang kanilang tunggalian sa buhay:  isang maestra ng panulaan at sayaw na namumuhay mag-isa pero kumukuha ng lakas sa imahinaryo ng sapilitan pero temporaryong komunidad ng mga klase; isang mayamang estudyanteng lalake na naghahangad makapuntos sa guro at ginamit ang kakayahan para makapasok sa klase sa sayaw din nito; at isang mahirap na estudyanteng lalake na may pagnanasa sa mayaman na kaklase.

Tanging sa panitikan at sayaw sila nakakapag-usap, o double-speak.   Gamit ang pagbigkas at pagtalakay sa mga feministang tula, ang erotisismo ng salita at imahen ang kinakasangkapan para makapaglahad ng tunay na damdamin sa isa’t isa.  Sa pelikula, ang double-speak ay nangyayari sa pamamagitan ng parallel editing ng dalawang eksena: ang eksena na binibigkas ang tula, at ang eksena na siyang kontexto ng pagbigkas ng tula.

Hindi nila masabi ang tunay na saloobin sa isa’t isa.  Sa tula, nailalahad ito, at sa sayaw, nakikita ito.  Abstraksyon-kontextualisasyon-abstraksyon na hanggang sa huling eksena ng pelikula, ang unrequited love ng mahirap na lalake, si Dennis, sa insensitibong mayamang lalake, si Marlon, ay may katugunan sa epikong sayaw ng Humadapnon—ang girian at digma ay nagtapos sa close-up shot ng dalawa na hindi gumagalaw, maliban sa lumabas na isang patak ng luha ni Marlon.

May ilang isyu na tinutukoy ang pelikula:  ang makauring isyu ng kaibahan ng individual na ahensya nina Marlon at Dennis, at ang kaibahan ng rekurso sa kanilang predikamento at damdamin; at ang queer na paggamit sa feministang tula nina Rebecca Anonuevo, Joi Barrios, Merlinda Bobis, Ophelia Dimalanta, Ruth Elynia Mabanglo at Benilda Santos bilang dalumat ng pag-aangkat ng tunay na damdamin, lalo na ng homoerotisismo ng dalawang lalake.

Ang kapangyarihan ng literary mode ay ang kapasidad nitong gawing abstrakto ang naratibong kondisyon, at kung gayon, magkaroon ng espasyong makakahinga mula sa lipunan at kasaysayan.  Ang limitasyon nito ay nasarhan ang posibilidad na makalabas sa kulungan ng literary mode, ng mismong panitikan at sining.

Imahen mula sa http://pinoyweekly.org/new/wp-content/uploads/2012/05/sayaw-ng-dalawang-kaliwang-paa.jpg

Matutunghayan din ito sa pelikula sa one-dimensionality ng mga tauhan, at ang rendering nito sa acting na subtle at hinahabol sa huling minuto ang transformasyon, na naganap lang ito sa huling dalawang eksena ng pelikula para sa dalawang lalake.  Hindi ko sinasabing hindi magaling ang mga aktor kundi ang fundasyon ng kanilang pagkatao sa naratibo ay nakabatay sa figuratibong antas—bilang kapamaraanan ng pagdalumat sa unibersal at transhistorikal na tema.

Sa pelikula, tula, sayaw at sining ang repositoryo ng tunay na damdamin. Ang sandali ng eros at erotisismo ay nagaganap sa bisa ng pagtingin at pagtunghay, sa pakikipagkapwa ng mga tauhan na tinitimbre ng pagbigkas ng tula at pagsasayaw.  Hinuhudyat ang eros ng slow motion bilang ritmikong kasangkapan para pahabain ang sensation ng sandali.

Alam ni Yapan bilang guro rin ng panitikan ang limitasyon ng literary mode.  Kaya nga sa closing credits, bilang Brechtian self-reflexive gesture, ay nagpasok siya ng production footage.  Para maiugnay ang naestapwerang panlipunang antas, pwes, ang paalaala na ang natunghayan ay isang pelikula lang, na ang kontexto ng literary mode ay ang mismong lipunan at kasaysayan, kasama ang maggagawa nito, na umakda sa pelikula.

Mahalagang interbensyon ang pelikula ni Yapan dahil may inaalok itong bago, at mula rito, maari pang pagyamanin ang potensyalidad ng literary mode.  Sa dagdag pang bisa ng sinematograpiya ni Arvin Viola, editing ni Mai Dionisio, at musika nina Christine Muyco at Jema Pamintuan tunay na nagningning ang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, at masasabing mahalagang pelikula ito sa ginintuang edad ng indie cinema.

 

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-2 ng Mayo, 2012, Pinoyweekly.org.

Advertisements