Ningning at burak ng naghaharing uri

by rolandotolentino

Rebyu ng Oro, Plata, Mata (Peque Gallaga, 1982)

Sa taong ito (2012) ang ika-30 anibersaryo ng klasikal na pelikula, ang una, ni Peque Gallaga.  Ukol ito sa mga angkan ng haciendero sa Bacolod sa panahon ng giyera sa Hapon:  engrandeng piging, mga amigang haciendero, pagkatorpe ng binatang haciendero, pamumukadkad ng dalagang haciendera, mga balo’t patriarkong haciendero, at ang kanilang muchacho’t muchacha.  Heto ang trailer ng pelikula:

Walang pagpapaumanhin ang pelikula hinggil sa kanyang paksa:  ang maningning na buhay ng haciendero sa isang hindi maningning na panahon sa Bacolod at mundo:  sila-sila lang, pinagsisilbihan, mayayabang, marangya, labis ang kasiyahan, at tulad ng iba pa sa panahon ng giyera, drastikong masusubsob pero hindi pa rin lubos na mawawala ang balon ng kapangyarihan.

Sa katunayan, ang isang figura ng sundalong Hapon ay naligaw lamang sa may talon.  Ang naging kaaway ng nahaharing uri ay ang mismong abang uri na historikal nilang pinagsamantalahan.  Kaya naging oportunidad ang giyera para bumulwak ang daan taong kimkim na sama ng loob at makauring inhustisya, at gaya nang inaasahan, marahas na naghiganti sa kanilang mga amo.

Tinalo sa pera ng katiwala ang balong haciendera at ang mga alahas ng kaibigan nito.  Ang kanyang dahilan, kinukuha lamang nito ang para sa kanya.  May katotohanan naman ito, hindi nga naman mabubuhay sa gubat ang mga haciedero kung wala siya.  Kaya nang mapatalsik ang katiwala, sumali ito sa mga bandido at bumalik sa tinataguang bahagi ng gubat ng mga haciendero.

Ginahasa ang balo, pinutulan ng daliring may singsing ang amiga nito, pinilit magmahjong ang isa pa.  Ninakawan ng mga natitirang ari-arian, pagkain at sandata ang bahay.  At isinama ng dating katiwala ang dalagitang haciendera para maging kabit.  Ito matapos, imasaker ng mga bandido ang lahat ng abang uri sa bahay sa gubat.  Muling naging biktima ang abang uri sa mismong kamay ng abang uri.

Ang yugto ng “Mata” sa trilohiyang bahagi ng pelikula ay humatak sa naghaharing uri sa burak.  Matapos ng maningning na yugto ng “Oro” at “Plata,” natagpuan ng naghaharing uri ang kanilang sarili na biktima ng kanilang paghahari. Dito burak kung burak, kamatayan kung kamatayan, masaker kung masaker, sa ngalan ng retribusyon at katarungan sa kakaibang panahong maaring masingil ang mga ito.

Ang manunumbalik ng puri ng naghaharing uri ay ang binatilyong anak ng balo.  Sa kanyang mga kamay (siempre, kasama na naman ang isang pinagkakatiwalaang abang uri), nilusob nila ang kampo ng dating katiwala’t naghiganti.  Masaker ang naganap, at natransforma ang kwento, naging pelikulang aksyon.

Ang rejuvinasyon sa pamamagitan ng karahasan ng pangunahing lalaking tauhan ang magsasalba sa ethos ng naghaharing uri.  Sa katunayan, siya nga ang nag-orkestrado ng muling pagkabuhay ng  kanyang uri sa bahay sa gubat matapos ang karahasan mula sa abang uri.  Pinatugtog muli niya ang klasikal na musika, inilabas ang mahjong, pinagtsismis ang mga nakakatandang babae.

Imahen mula sa http://pinoyweekly.org/new/wp-content/uploads/2012/04/PW-oro-pata-mata.jpg

Sa tinataguang lugar ng bandido, gaya nga ng sinabi niya, “Kaya na niyang gawin ang lahat.”  Nagkaroon na ng pagdanas sa aktwal na kapangyarihan ng kanyang uri ang binatilyo.  Lalaki’t tao na siya, lehitimong kasapi ng hacienderong uri.  Dalawa silang pangunahing natransforma ng giyera.  Ang ikalawa, ang dalagitang anak na naging santa santita matapos ng giyera, kritikal na rin sa kanyang uri.

Komentaryo ang transformasyon sa naghaharing uri:  una, kailangan nila muli ang kanilang bisyo at kalabisan para maging buhay; ikalawa, tulad ng may ilang ulit na isinaad sa pagtatapos, ang lahat ay naging “hayop” dahil sa giyera, na lalong dramatiko sa pagkabulusak ng naghaharing uri; at ikatlo, na ang pagtagos at pagdanas ng giyera sa kanilang hanay ay nag-iwan sa kanila bilang markadong uri, na magpapatuloy muli ang kulo ng abang uri para sa panlipunang katarungan, at ang naantalang sandali ng muling pagbulwak nito.

Ayon sa direktor, lahat ng binanggit na karahasan sa haciendero ng abang uri sa pelikula ay tunay na naganap noong panahon ng giyera, komon na kaalaman ng mga haciendero kapag sila ay nagtitipon at ginugunita ang giyera.  Ito ang mas naalaala, higit pa sa karahasan ng mismong mga militar na Hapon.

Nang magtungo kami sa Gaston Mansion, ang lugar ng “Plata,” ang inakalang sanktwaryo mula sa syudad, at umakyat sa roof deck, kung saan sa pelikula ay sinisilip ni Miguel (Joel Torre) ang mga bituin mula sa kanyang teleskopyo, tunay namang katotohanan na ang lahat ng matatanaw, milya-milyang tubuhan, ay iisang pamilya lang ang nagmamay-ari.

Imahen mula sa http://img241.imageshack.us/img241/3368/oroplatamatahouse.jpg

Ang engrandeng mansyon ay hindi ipamimigay nang libre o gayon-gayon na nga lang sa libo-libong kasama’t sakada.  Kakapit sa kanilang poder ang mga haciendero, pero ang ganda ng lugar at rangya ng mansyon ay madaling maglaho.  Ang katiwasayan at ningning ay ang artifisyal na mukha ng daan taong nabiyayaan ng sistema.  Wala sa panoramang ito ang mayorya, kaya nananatiling kumukulo ang mga bagay-bagay sa gitna ng ganda ng mansyon, ang manicured na harding nakapaligid sa mansyon, at ang sumasayaw na milya-milyang tubuhan.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-29 ng Abril, 2012, Pinoyweekly.org.

Advertisements