Mga pelikula sa American Airlines

Nalaman ko lang na matagal na pala akong di nakapag-Amerika nang makita kong naglakihan na ang mga pamangkin kong dinalaw doon. Si Julia ay kasing laki ng bunsong si Isabella nang huli ko itong madalaw. Ang panganay na si Jake ay mas matangkad pa sa kanyang tatay sa kanyang 16 na taong gulang.

May dalawa na akong apo, sina Dandan at Ading, mula sa pamangking di ipinapakalimot ang bago kong estado kapag tinutukoy ako sa kanyang mga anak.  Isang taon lamang ang pagitan ng dalawa, at narealisa ko na kung sino ang kamukha nang tingnan ko ang mga kuha sa digicam.

Mataas ang agam-agam ko kapag lumilipad. Production design kasi dahil sa pagkuha ng papeles sa pagbiyahe, pagsulat ng papel para sa kumperensya (na tanging dahilan kung bakit ako nakakapagbiyahe), at ang mga dadalhing gamit, kasama ang pasalubong lalo na kung sa Amerika ang destinasyon.

Narealisa kong maiging lumipad nang puyat dahil wala nang gagawin kundi matulog.  Kahit pa para akong pandispley sa loob ng kotseng tatango-tango, paratihang magaan at udlot ang tulog. Laking tuwa ko sa individual na monitor sa harap ng aking upuan, ibig sabihin, maraming pelikulang pagpipilian sa tuwing nababawi ang tulog.

At dahil pawang B-movies na matagal nang naipalabas o kapapalabas pa lamang, madaling sundan ang storya kahit pa sa gitnang bahagi ang nasimulan. Tanging sa pagod ko nabawi ang agam-agam na ipinaparating ng mga pelikula. Tunay na nakakabagabag ang mga ito.

Dalawang sine ang tungkol sa financial crisis.  Ang una ay ang The Taking of Pelham 123 ukol sa isang gang na nang-hostage ng isang tren sa New York City.  Ang karakter ni Denzel Washington bilang nililigwak na dispatcher ang antithesis sa lider ng hostage-takers, ang karakter ni John Travolta.  Nakulong ang huli dahil sa insider trading, ipinakulong ng negosyanteng magiging meyor ng syudad.  Nang makawala ito, nang-hostage ito di lamang para makalikom ng $10 milyon kundi para pataasin ang kanyang investment dahil sa pangkalahatang pagbaba ng stock trading.

Ang ikalawa ay isang Japanese film, The Vulture (2009) ukol sa kumpetisyon para sa Akama Motors, isang referensya sa brand ng kotseng nagpakilala sa Japan sa mundo ng negosyo.  Pabagsak na ang Akama at may dalawang korporasyon, isang Hapon at isang Tsino, na nagpapataasan ng bid para sa akwisisyon ng kompanya.  Sa dalawang pelikula, ang corporate greed ay binabatikos pero binabalik muli sa esensya ng individual na pagpupursigi ang pagtutumbas sa kaligayahan.

Pinanood ko rin ang Mall Cop (2009), ukol sa mala-Jaguar na ambisyon ng isang tagabantay ng mall sa pag-ako ng kaligtasan ng mga kasamahan, pati ng kanyang iniirog.  Pati ang The Proposal (2009), hinggil naman sa palitan ng pabor para sa isang di-maiisip na pares ng mag-aasawa:  isang diva na editor, taga-Canada na nag-overstay dahil hindi nakapagbigay ng panahon para ayusin ang kanyang papeles sa Amerika, at ang kanyang lalakeng assistant na lokal na maykaya pala sa Alaska.

Sa isang banda, para lang akong tinotortyur ng mga pelikulang napanood ko.  Isinasaad ang tagumpay ng individual na pagpupursigi para makamit ang kanyang American dream, o ang domestikong resolusyon sa pamamagitan ng pagiging tapat at tunay sa sarili at iniibig. Parang tortyur na rin:  di ka makatulog sa tagtag ng biyahe at kipot ng silya, pero kapag gising ka naman, ganito ang mga pelikulang pinapapanood sa inyo.

Na parang panibagong soft-sell gayong papunta ka na nga sa Amerika.  O tinitiyak lang kaya na sa highway sa ere ay patuloy pa ring tulay sa nauna nang pagdanas sa kasiyahan sa pelikulang Hollywood?  Sa huli, wala rin namang opsyon sa lupa, maging sa langit.  Pinapapanagip ka pa rin sa ingles at sa gitnang uring individualismo.

Sa kabilang banda, sa panonood ng sine sa Pilipinas, voluntaryo ang paggastos at pagkuha ng relief sa realidad. Kung may agam-agam kang nakabatay sa tunay, manonood ka ng sine. At sa naunang ritwalisadong panonood ng sine, otomatiko ang pag-tune-off ng historikal para panigan ang fantasya ng imahinaryo.

Pero sa panonood ng sine sa ere, ito ang historikal. Nakaupo ako ng mga labing-anim na oras, at ito ang aking realidad. Bawal tumayo at maglakad-lakad.  Bawal tumambay man lang sa CR. Kaya ito ang tadhana sa halos isang araw na pagbibiyahe.

Ginigipit ka na, ipinapatangkilik ka pa rin dahil precisely wala ka naman ibang mapapagpilian.  Mahirap magbasa ng libro dahil sa di-masasabing turbulence.  Matagtag na nga ang air travel, mas matagtag pa kapag may aktwal na turbulence. Tunay na napapapikit ako at pahuhupain ang parang roller coaster portion ng biyahe.

Ang paghanap ng relief ay sa pagtulog, na ipinagkakait din naman ng air travel.  Kaya prelude na ang long-distance air travel sa katiyakan ng jetlag.  Zombie ang pakiwari, inaantok pero di makatulog, at sa oras na kailangang gising, tulog naman.

At nang matapos ang biyahe papuntang Amerika, ang biyaheng pabalik ng Pilipinas. Laking sama ng loob ko na dahil parehong airline ang tinangkilik sa return trip, pareho pa rin ang line-up ng sine.  Wala akong magawa kundi ulitin muli ang panonood ng mga sine.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-19 ng Oktubre, 2009, Pinoyweekly.org.