Rolando Tolentino

Burgis na juvenalia, review of “Ang Nawawala” (2012)

rebyu ng Ang Nawawala (Marie Jamora, 2012)

 

Ayon kay Bienvenido Lumbera, hurado ng Cinemalaya 2012, ang isang tampok sa mga lahok ay ang pagtalakay ng isa na namang aspekto ng buhay sa lipunang Filipino: ang nakakataas na uri’t maykaya.  Hindi ko alam kung good news bad news ito.  Pero ang tiyak, unapologetic na agad ang ganitong pelikula.

Walang self-reflexive gesture o take sa pagiging mayaman at pribilehiyado ang Ang Nawawala, paukol sa isang kabataang lalake na nagkakandakumahog sa pagbaybay sa trauma ng kamusmusang pagsaksi sa pagkamatay ng kakambal, at ng kontak sa unang true love.  Dahil sa trauma, nagdesisyon itong hindi magsalita, at sa kanyang isip, kinakausap pa rin niya ang kakambal.

Nagbiyahe ito sa ibang bansa.  Kumukonsulta sa doktor, kumukuha ng videos ng kanyang paglalakbay.  Isang pasko sa kanyang pagbabalik, natagpuan niyang higit na nagkakahiwalay ang kanyang mga magulang, higit na naninigaw sa katiwala ang kanyang ate, mas malibog ang kanyang best friend, at maganda ang umibig.  Sa katunayan, kilig ang audience, karamihan ay kabataang natutumbok ng pelikula.

Samantalang kami ng kasama kong kaguro ay bagot na bagot sa MTV moments, na sa sobrang dami ng kantang gustong mailagay sa CD version ay maraming eksena na nakikinig sa concert ang may hindi isa o dalawang kanta, kundi tatlo.  At ang tanging aksyon dito ay mula sa pakikinig tungo sa head nodding at pagsayaw nang nahihiya hanggang sa wala nang hiya.

Nandito ang romantikong fantasya ng kabataan:  may hitsura, maykaya, may dress up, may alter ego, may pag-ibig, may nawalang pag-ibig, may alaala ng tunay na pag-ibig, may nawawala pero parating may natitira para ipaalaala ang kawalan.  Kalakhan ng angst sa pelikula ay paukol sa fantasya ng pagiging maykaya sa bansa:  ganito (lang) ang kanilang problema, at ganito (lang) ang kanilang coping at making do mechanism.

Hindi sa minamaliit ang ganitong uri.  Pero ang napagtagumpayan ng Ang Nawawala ay gawing labis na sinematiko—larger than life, film worthy, film grant worthy—ang buhay ng pribilehiyadong maykaya sa bansa.  Purong pabalat at artifice—purong imahen—ang pelikula:  dinadaan sa close-up, nguyngoy shot, slow motion, repetisyon, high fives, at reiteratibo ang justifikasyon para sa uring tinatalakay.  Pero hanggang imahen lang, walang substansya maliban sa transformasyon ng elitistang buhay bilang kanasa-nasa sa mas higit na mayoryang umaasam lang ng ganitong buhay.

May ipinapanganak na problematiko ang ganitong pagtahak ng buhay ng maykaya, lalo pa bilang binary oposisyon sa pangkahalatang tema ng indie cinema, ang abang uri.  Kung sa huli ay napakabigat ng pagdanas sa subalternong kahirapan at paghihirap, sa una ay relatibong magaan at iilang individual ang dumaranas nito.  Kaya higit na nakakapanghalina ang buhay ng maykaya kaysa sa mahihirap kung tutuusin.

Kahit pa sa pagtatapos ng pelikula, neorealistiko ang tinahak din na landas ng Ang Nawawala:  na uusad lang ang buhay, magpapatuloy ang paglalakbay ng lalake para hanapin muli ang kanyang sarili.  Dahil kahit na nakumpronta na niya ang kanyang multo, pati ang labi ng naunsyaming tunay na pag-ibig, hindi pa rin matutumbasan ang batayang kawalan.

fromhttp: //www.interaksyon.com/entertainment/ang-nawawala-commercial-run-to-feature-new-theatrical-edit/

Ang resulta nito sa manonood, pangunahing intelektwal at aspirasyonal na gitnang uri sa hanay ng indie cinema, ay itransforma ang makauring isyu sa antas ng metapisika:  na individual na pagkatao at kolektibong humanidad—partikular sa pagdanas ng kalungkutan, pangungulila, pag-iisa—ang nagbibigkis sa ating lahat.  Anong ganda ng buhay?!

Walang guilt sa mundo ng labis ng pribilehiyadong uri, na hindi masasabi sa poverty films ng indie cinema.  Dawit (implicated) tayong manonood sa poverty films:  sa distansyasyon ng wanna-be na gitnang uring manonood sa realidad ng pelikula, walang identifikasyon ang nabububo na lumilikha ng kritikal na obhetibidad para pag-isipan ang relasyon ng sarili sa tinatalakay na mundo.

Sa pelikula hinggil sa maykaya, ang kritikal na distansya ay nawawala, na tulad sa Hollywood films, nilalamon para ang sarili ay magkaroon ng (mis)rekognisyon na ito rin ang kanyang mundo, ito ang gusto niyang maging mundo, at ipagkanulo ang sariling mundo.  Ito ang reafirmasyon ng komersyal na media at kulturang popular ng kapitalismo.

Sa aking palagay, walang tunay na independent na pananaw ito sa isang iniluwal ng “indie cinema.”  Napapanahon na rin sigurong ibuyanyang kung tunay nga bang independent ang namamayagpag na indie cinema sa kasalukuyan.

Orkestradong kilig sa romantikong komedi

Rebyu ng Unofficially Yours (Cathy Molina Garcia, direktor, 2012)

Imahen mula sa http://img.allvoices.com/thumbs/event/609/480/89756550-unofficially-yours.jpg

Si Cathy Molina Garcia na ang pangunahing arkitekto ng kasalukuyang pamamayagpag ng romantikong komedi.  Ito ang genre na namamayagpag sa takilya, at pinaghalong romans at komedi:  romans na “pagkahaba-haba man ng prusisyon, happy ending pa rin ang tuloy,” at komedi dahil ang balakid ay ang isang kakatwang sitwasyong pinanggagalingan ng lalake’t babaeng makaiba ang mundo o pananaw hinggil dito.

Ang Unofficially Yours ang isa sa pinakamatagumpay na pelikula ni Molina.  Nauna na ang You Are the One (2006), One More Chance (2007), A Very Special Love (2008), You Changed My Life (2009, ang pinakamalaking boxoffice hit ng kanyang panahon), Missed You Like Crazy (2010), at Forever and a Day (2011).  Murang i-prodyus ang romantikong komedi dahil sa mga familiar na lokasyon ang tagpuan, tulad ng bahay at opisina; pinagbibidahan ng studio artists (sa kaso ni Molina, paborito sina John Llyod Cruz at Sam Milby); may datihan nang kaalaman dahil lumang kanta na pwedeng gawin theme song at titulo ng pelikula ang gamit; at nakatuon sa pagdagsa ng pinakamalawak na kababaihang manonood sa sinehan.

Moving on dahil sa pag-ibig ang tema ng Unofficially Yours.  Ang karakter ni Cruz ay nagmu-move on mula sa pagiging dentista, isang kurso na kinuha niya dahil ito ang kurso ng kanyang girlfriend, tungo sa kanyang true love, ang journalism.  Ang karakter ni Angel Locsin ay moving on din–mula sa pagka-dump sa kanya ng fiancé, sumumpa na hindi na muling iibig pa.  Kaya sex buddies lang ang dalawang bida, at walang dangal na sex buddies dahil ang babae ay mentor ng lalake sa dyaryo.

Imahen mula sa http://4.bp.blogspot.com/-HUatBA3ZAig/T0PLIf-BuoI/AAAAAAAAELY/gJYzVWSiL_U/s1600/UnofficiallyYours.JPG

Itong sex-in-the-work place ang locus ng pamali-mali’t pagkabuking, at paninindigan sa relasyong ganito lang ang katangian.  Hanggang sa ma-TL (true love) ang lalake at ang problema ay ayaw ni babae dahil bahagi ng kanyang pangarap ay magtrabaho sa Singapore.  At gaya nang inaasahan, pinahalagahan ng babae ang pag-ibig, kinain ang mga sinabi, nagmanikluhod para muling ipagkaloob ng lalake ang pag-ibig.

Karamihan ng romantikong komedi ay buhay at pag-ibig ng batang profesyonal ang tinatalakay.  Ito ang matutuklasan kapag sabayan nang naglabasan sa sine, medyo may edad na rin ang nanonood pero hindi naman katandaan.  Kung grupo man na manonood, mas marami ang babae kaysa lalake.  Tila “date film” pa nga ang turing sa romantikong komedi, na nagpapaubaya ang boyfriend sa desisyon ng girlfriend para sa karagdagang “pogi points” sa panonood ng romantikong komedi.

Manipulado ang manonood na ma-in love, matuwa, kumampi sa pag-ibig ng mga bida, umasang magkatuluyan ang dalawang nilalang na nababagay sa isa’t isa, at kasama ng mga bida, magtagumpay sa pagwawakas ng pelikula.  Sa kasalukuyan, matagumpay itong formularyo ng romantikong komedi dahil regular itong nakakapanghatak ng manonood sa manakanakang pelikulang Filipino na umaabot sa sinehan.

Ang problema, gaya nang inaasahan, ay hindi nasasalin ang tagumpay sa boxoffice bilang tagumpay sa inobasyon sa pelikula at kamalayan.  Maliliit ang inobasyong pampelikula sa genre:  ayon kay Molina, ito na nga ang hindi regular na “rom-com” (romantic comedy) na relasyon, at ang pamumutiktik ng sex scenes dito na patunay na mature ang kahandaan ng manonood sa mas “mature” na tema.

Dagdag pa niya sa parehong panayam, “I think they’ve been ready, especially  after the success of  No Other Woman. Parang naisip ko, kaya na nila.  Saka wala naman kaming sinasabing bawal o mali sa pelikula.  Nagkuwento lang naman kami ng isang love story between someone who believes in a traditional kind of relationship and na-in love sa isang babae na ayaw sa ganung klaseng setup. ”

Sa huli ng pelikula, ang non-tradisyonal na babae ay magiging tradisyonal, magmamanikluhod para muling tanggapin ang pag-ibig ng lalake.  Ang kilig factor ang pinakaimportanteng dating ng romantikong komedi:  harana, debosyon, pag-aantay, at pagpapakadakila, na pawang ipinasa sa lalakeng bida dahil nga non-tradisyonal ang babae.  At ang mga tradisyonal na sangkap ng kilig ang siyang magpapalambot ng puso ng babae.

Kaya mula sa politikal na tema ng migranteng manggagawa at ang kanilang pag-ibig (ang OCW film) na naunang namamayagpag na tumatabong melodrama sa takilya—sakto rin sa kababaihang manonood–ang naging tunguhin ng komersyal na pelikula ay ang mas fiksyonal at nanlalagkit na pag-iibigan sa romantikong komedi:  magaan, hindi lubos na seryoso dahil ang dapat na seryoso ay ang usaping pag-ibig lamang, at nakakakilig.

Sa diegesis ng pelikula, ang tanging problema ng mga magagandang tao ay ang ikaliligaya ng kanilang puso, na hindi naman problema dahil nasa paligid lang—ang pinakamagandang opposite sex sa tabi nila’t kunwari ay hindi lubos na siniseryoso—ang solusyon.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-4 ng Marso, 2012, Pinoyweekly.org.

Tsunami viral videos at perversyon

Tala sa pagkuha at pag-upload ng video ng disaster

Isang taon matapos ang lindol sa Japan, patuloy pa ring sentro ng pruweba ng lawak ng pagkasira ang viral videos ukol sa tsunami na tumama sa Fukushima at iba pang panig ng bansang ito.  Iniisip ko lang, kung ako ba ang nasa lagay ng mga tao roon, ang pagkukuha ba ng video mula sa cell phone at digital cameras ang aking pagtutuunan ng pansin?  Hindi ba’t ako ay ligalig, tulala, at nanganganib sa buhay ng sarili at mga mahal?

Perversyon ang karaniwang tawag rito.  Sa isang narsisistikong lipunan na muling hinudyat ng social networking sites at ng file-sharing sites (Youtube, Torrents, at iba pa), tunay na perverse ang pagdanas ng aktwal na kagapanapan via sa mata ng camera, na may intensyong maipalabas sa virtual na networks.  Paano kung hindi naligtas?

Imahen mula sa http://lh5.ggpht.com/-OVcH8A7ktag/TviUD2NtyYI/AAAAAAAAHt8/XGjceSrG2oE/video99be82f0495b%2525255B18%2525255D.jpg

Ang event ng disaster ay pagdanas sa kahinaan at kapabayaan ng estado.  Hindi ba’t mayroon namang kasaysayan bago ang disaster na siyang naghuhudyat kung gaano kabilis o katumal rumosponde ang estado?  Kung malinaw ang naging pagplano at implementasyon ng estado ng disaster preparedness, malinaw din na mas marami ang maliligtas sa kaganapan ng disaster.

Sa Japan, may 20,000 ang namatay at nananatiling nawawala dahil sa lindol at tsunami noong 11 Marso 2011.  Mas malaki pa sana kung hindi naghanda at naghahanda ang gobyerno para sa mga disaster.  Sa katunayan, ayon sa mga ulat, matapos ng lindol, nalalaman sa Internet ang mga peligrosong kalsada, gusali at seksyon ng mga syudad para balaan ang mamamayan.

Sa bansa natin, nananatiling “act of God” ang pagdanas ng disaster.  Walang accountability kahit na SOP (standard operating procedure) ang fact-finding.  Walang napaparusahan, nakukulong, nagbibitiw o nagpapakamatay para magkaroon ng kolektibong relief ang mga nabiktima at ang kanilang pamilya sa disaster.

Sa viral videos na nagkalat ilang minuto matapos ang disaster sa Japan, naunawaan ng buong mundo ang lawak at lupit nito.  Malamang, kahit pa mayamang bansa ang Japan, marami ang naantig ang puso, nagbigay ng abuloy at nagboluntaryo ng tulong dahil dito.  May gaan sa Japan na mag-move on, mag-rebuild at lumampas sa disaster dahil alam na marami silang kapanalig sa pagtatagumpay.

Heto ang ilang popular na links sa tsunami sa Japan:

http://www.youtube.com/watch?v=NW7vENdDu1o

http://www.youtube.com/watch?v=w3AdFjklR50

http://www.youtube.com/watch?v=5-zfCBCq-8I

Dati ang sinasabi ay “The revolution will be televised,” sa isa-isang pagbagsak ng mga otoratibong pamahalaan sa Eastern Europe, dating U.S.S.R., South Korea, Thailand, at iba pang bansa sa Asia.  Ngayon, sa karanasan sa Arab Spring, ang sinasabi ay “The revolution will be Facebooked@ and Youtubed@,” na ang pahiwatig ay may nagmamay-ari rin ng copyright nitong social networking at uploading sites.

Imahen mula sa http://www.juanmanilaexpress.com/wp-content/uploads/2012/08/Manilaflood.jpg

Sa katunayan, tapos na ang era ng mobilisasyon sa panlipunan pagbabago dulot ng radyo (EDSA 1) at cell phone (EDSA 2).  Unti-unti na ring umuusad ang bansa sa mga copyrighted sites para sa plataporma ng susunod na pagbabago, o umaasa man lamang na sa tulong nitong sites ay mayroong malawakang realisasyon sa pagbabago.

Sa isang banda, ito ang potensyalidad ng portable cell phone at digital cameras, ang pagsaksi sa kahinaan at kapabayaan ng negosyo at gobyerno sa panahon ng disaster, lalo na ang human-made na variety, tulad ng pana-panahong paglubog ng ferries at barko, pagri-release ng nag-uumapaw na tubig sa dams, masibong trafiko dahil sa rerouting ng kalsada sa kadahilanang may shooting ng Hollywood na pelikula o anibersaryo ng Iglesia ni Kristo at walang traffic enforcers, at pati na rin sa post-disaster management.

Ito ang produktibong perversyon, ang referensiya ay ang paghangad ng katarungan sa pagkuha ng video sa sandali ng disaster.  Ito ang event na nagiging sandali at espasyo ng kontraryong accountability sa estado.  Sa kabilang banda, ang perversyon ay nagiging spektakulo pag may sentralidad ng personahe sa video at pagkuha ng video.

Ito ang mismong SOP ng disaster reporting, lalo na sa telebisyon, na ang reporter ay kailangang patunayan na siya ay nasa sityo ng disaster.  Pati ang artista ng major television channels ay ganito rin ang lokalisasyon ng post-disaster relief operations, na kailangang may popular na mukha na namumudmod ng goodies sa mga nasalanta.

Perverse kapag tinutukoy ang lakad ni Shamcey Supsup bilang “tsunami walk” na parang may lirikong panuntunan ang paglalalakad, na tila walang mapanganib at nakamamatay na referensiya ang imaheng ito.  Insensitibo, politically incorrect, iresponsable—mga referensiyang maaring magtukoy ng mismong estado sa kanyang mamamayan.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-12 ng Marso, 2012, Pinoyweekly.org.

 

 

 

Viral rants

Rebyu ng videos vs. Filipinos at Filipinas

Madaling magalit kapag ang nandadaot sa mamamayan at bansa ay mga banyaga.  Nagalit ang syudad ng Manila nang sabihin ng artistang si Claire Danes na ang bansa ay isang “ghastly place” habang nagshu-shooting ito sa mental hospital na naglipana sa ipis at daga. Nagalit ang bansa kay Terry Hatcher sa Desperate Housewives nang sabihin niyang basta-basta ang medikal na edukasyon sa bansa.

Nagalit ang Filipino nang dautin ng Korean na artistang si Lee Da Hae ang punto ng pagsasalita ng ingles. Nagalit ang Filipino nang banggitin sa kanyang kolumn ni Chip Tsao na tayo ay isang “nation of servants.”  Nagalit ang Filipino nang pabirong banggitin ni Alec Baldwin na pwede siyang kumuha ng Filipina mail-order bride para magkaroon ng mas maraming anak.

Nagalit ang Filipino nang nagkamali ang referensya ng ng pambla-blackmail ng immigration officer sa aktor na si Taylor Kitsch sa palabas din ni Letterman.  Nagalit ang Filipino nang si Floyd Mayweather ay uminsulto kay Manny Pacquiao at sa bansa nito.  Bakit mo iinsultuhin ang “pambansang kamao”?  Iniisip ko, ano ba ang ikinagagalit ng mga tao?  Dahil ang pagbanggit ay sa paraan ng biro, kalahati ay nakakatawa, kalati ay totoo (kaya nga nakakatawa).

Ang pinakahuling naglitanya ng “20 reasons why I dislike the Philippines” ay si  Jimmy Sieczka para sa ChannelFix, at ayon sa internet, tatlong taon nang naninirahan sa Cebu at konektado sa International Academy of Film and Television sa Cebu.  Heto ang link sa kanyang video (na tinanggal na sa sariling upload sa Youtube).

Imahen mula sa http://technogra.ph/wp-content/uploads/2012/03/Jimmy-Sieczka-Dislikes-the-Philippines.jpg

Exaherado ang 20 dahilan pero bawat isa naman ay may katotohanan, kalabisan, kakulangan.  Provokatibo pero tila may batayan naman.  May batayan naman pero provokatibo.  May inaasahan bang mas may dekorum na paraan ng paglalahad ng kritisismo sa bansa?  May orientalismo bang ubod ang sinasaad?

Imahen mula sa http://tataypepes.com/wp-content/uploads/2008/07/davidletterman.jpg

Sa isa namang lumaganap sa internet, ayon daw sa popular na segment ni Letterman, narito ang “top ten reasons why there couldn’t be a Filipino American US President:”

“10. The White House is not big enough for in-laws and extended relatives.

9. There are not enough parking spaces at the White House for 2 Honda Civics, 2 Toyota Land Cruisers, 3 Toyota Corollas, a Mercedes Benz, a BMW, and an MPV (My Pinoy Van).

8. Dignitaries generally are intimidated by eating with their fingers at State dinners.

7. There are too many dining rooms in the White House—where will they put the picture of the Last Supper?

6. The White House walls are not big enough to hold a pair of giant wooden spoon and fork.

5. Secret Service staff won’t respond to “psst… psst” or “hoy hoy hoy!”

4. Secret Service staff will not be comfortable driving the presidential car with a Holy Rosary hanging on the rear view mirror, or the statue of the Santo Niño on the dashboard.

3. No budget allocation to purchase a karaoke music-machine for every room in the White House.

2. State dinners do not allow “Take Home”.

The top reason why there couldn’t be a Filipino-American US President is…

1. Air Force One does not allow overweight Balikbayan boxes!”

Sa pamamagitan ng viral rants, madaling maipalaganap ang hinanaing hinggil sa isang mamamayan at bansa. Madali rin itong mapulisya. May katotohanan kahit hindi exakto; may pagkaexakto dahil may katotohanan.

Kapag umanggas ng laban sa bansa, racist. At ang buong kasaysayan ng bansa ay hinihimok para ang tukoy na kaaway ay maging pambansang kaaway. Ang problema, hindi tulad kay Danes at ang nauna sa kanya, instantenyo ang pagkaalam ng inaping mamamayan at bansa dahil sa may viral na pruweba ng panlalait, pandudusta, at pang-aapi.

Na-ban pa si Danes sa syudad ng Manila, dineklarang persona non grata. Ang pagkakamali ng referensya ni Kitsch naman ay naalok pa siya ng libreng biyahe sa bansa para maiwasto raw ang impresyon. Bakit gumaan ang parusa sa kolektibong kaapihan ng mga racist?  At sa kaso ni Sieczka, mga diskusyon sa internet, pati na rin ang maraming nagsasaad ng “kapatawaran.”

Ang viral rant ay ampaw na pananalita sa internet. Walang laman dahil walang pwersa ng materialidad, lumalabas na imahinaryo lang ng walang magawa. Kaya roon nagsimula at nagtatapos. Para magkaroon ito ng politikal na pagtuligsa, kailangang ibuyanyang ito sa antas ng tunay (real):  ang sinasaad naman, at least ng video rant ni Sieczka, ay ang failure of governance. Estado ang accountable, at ang kulang sa rant ay ang pag-ugnay sa Philippines equals kanyang estado.

Kaya kung magre-rage against the dying of the light sa video, tiyakin namang masinop ang politikal na pagsusuring magtutukoy sa kultural na accountability. Na tayong mamamayan at bansa ay dinudusta at hindi umaalagwa sa nakakadaot na stereotipo dahil sa estadong nagsadlak sa ating kolektibong kapalaran.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-20 ng Marso, 2012, Pinoyweekly.org.

Posthumanismo ng manananggal at lipunan

Rebyu ng Si Amapola sa 65 na Kabanata (Ricky Lee, 2011)

May fasinasyon ang mundo—at kung gayon, ang bansa—sa modernong adaptasyon ng mga nilalang sa dilim:  sa pelikula, ang matagumpay na Twilight Saga series; sa telebisyon, ang Vampire Diaries at ang mas madilim na True Blood; at sa Filipinas, angCorazon: Ang Unang Aswang (2012), Yanggaw (2008), at bilang stock na karakter at kwento sa Shake, Rattle and Roll series.

Ang kaibahan sa mundo, hindi emo ang bigat na bumabagabag sa mga tauhan at kwento ng adaptasyon sa bansa, kundi ang mismong horror at panlipunang melodrama na bumabalot sa mga buhay.  At ganito rin ang posthumanismo o ang edad na pawala na ang tao at sangkatauhan—at ang kanilang pagkatao’t humanismo—na nagluluwal ng makabagong nilalang:  isinasantabi pero may radikal na potensyal na tumuligsa sa otoratibo’t kapangyarihan.

Si Amapola, baklang impersonator at manananggal na may at least dalawang personalidad (ang machong Isaac at ang effeminate na si Zaldy), ay ang bagong tagapagligtas ng bansa.  In love kay Homer, single parent, si Amapola ay tinutupdan ang hindi nagawang paglalahad ng pagmamahal ng kanyang lola sa tuhod, si Sela na may lihim na pag-ibig kay Andres Bonifacio.

Mayroong support group ng kapwa manananggal, nagkaroon ng reality television, kalaban ng hate-monger na politikong si Trono, kapanalig ng sikretong operatibong nagtataguyod ng karapatan ng mga nilalang sa dilim, si Amapola’t ang kanyang saga ay taas-baba baba-taas (tulad ng monitor para sa puso) sa ipinangakong bilang ng kabanata sa titulo ng nobela ni Ricky Lee.

Ang kaibahan sa pelikulang counterpart ng adaptasyon, hindi horror ang tuon kundi parody o matalas na pagpapatawang may kirot dahil may historikal at panlipunang referensiya’t komentaryo.  Campy ang nobela, may referensyalidad sa kanyang exaheradong konstruksyon na nakakapagbuyanyang ng kalabisan at kakulangan sa relasyon nito sa lipunan at kasaysayan.

Imahen mula sa http://pinoyweekly.org/new/wp-content/uploads/2012/03/amapola-copy.jpg

Katawan na nahahati, pagkataong may pagkakahati-hati sa tinanggap na personalidad, mga hati-hating relasyong pinili’t implikado, si Amapola ay hindi kumbensyonal.  Bagamat maliit na mundo na iniinugan—Morato, Scout area, Timog—ay  malawak ang ugnayang sinasaad.  Kontemporaryo ang nobela sa pag-uugnay ng tila hindi magkakaugnay na mga bagay, entidad at kaganapan.

Umiinog ang kaganapan at tunggalian sa nobela sa backdrop ng mga sityo ng leisure—ABS-CBN, coffee shops, spa, clubs, sing-a-long bars.  Ito ang bagong preokupasyon (ang service sector) ng buhay ng mga tauhan:   ang malinis-linis o gentrified na Morato, kumpara sa Ermita ng 1970s na buhay sa hedonistikong ipinagbabawal.

Kung magiging mapagbigay sa politikal na komentaryo ng nobela, ito ay ang kakayahang magluwal at magpaunlad ng kontraryong pagkatao’t pagkamamamayan.  Maliban sa isang politiko at pagbabanggit sa presidente, walang politikal na kaayusan sa nobela sa labas ng inilatag ng negosyo—ang service sector–sa pangunahin.  Si Amapola, Emil, Homer, Sela at ang iba pang tauhan ay nabubuhay na parang absent ang gobyerno.

Kanya-kanyang paghahanap ng kahulugan at kasaganahan sa buhay, kanya-kanyang paghahanap ng ugnay sa nakaraan, at paghahanap ng lugar sa kasalukuyan.  Nagtagumpay nang ipribatisado ang pagnanasa’t pagkilos para sa kabuluhan ng buhay sa kamay ng individual.  Wala nang ibang rekurso maliban sa inaalok ng negosyo’t ipinagpaubaya ng gobyerno sa negosyo:  impormasyon at opinyon, publikong serbisyo, buhay at kamatayan ng mga mamamayan.

Kaya integral ang posthumanismo ni Amapola at ang kanyang kauri’t kakatawan—dahil ipinapaunawa sa ating tao ang sukdulan ng pagkatao:  homophobia, misogyny, heteronormativity, klasista, racismo, at iba pa.  Mas “may laya” si Amapola sa kanyang katawan at pagkatao dahil bukas siya sa posibilidad, at sa ibang antas, ang kanyang papel sa pagbabago ng lipunan at bansa.

Ito ang “katawang walang organo” (Deleuze at Guattari) na kayang mamukadkad kahit sinusupil, na abanteng destakamento ng posibilidad, na kahit sinusupil, bumabangon at nanlalaban.  Ito ang katawang may pakikipagkapwa, na may misyon lampas sa sariling pagkaunlad, na ang pagkaunlad ay nakabatay sa binabahaging pag-unlad ng kanyang kapwa.

At ito ang napagtagumpayan ng nobela—na kontraryong humanismo, nanlalaban at mahina pa—ang inilalahad na alternatibo sa lipunang nahikayat nang ipagbili ang kanilang pagkatao’t politika sa negosyo.  Sa stilo, postmoderno ang nobela:  walang nilinaw na direksyon, mala-mala ang tinutumbok, mahilig sa surfaces at imahen, magaang basahin kahit walang katiyakan sa kung ano ang nakuha.

Imahen mula sa http://cdn2.sulitstatic.com/images/2011/1025/165814613_16580112711ea82eaafb34412a0bb40ac93e9810e11753af7.jpg

Tulad ng fantastikong alamat ng bakla na isinaad ni Amapola, kanya-kanyang pag-aakda na may konsiderasyon sa kolektibong paglaya ang nais tunguhin nitong nobela ni Lee.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-26 ng Marso, 2012, Pinoyweekly.org.

 

 

 

Humantong na ba tayo sa ganito?

Rebyu ng Staying Alive: Safety for Journalists (Philippine Center for Investigative Journalism, ikalawang edisyon 2011, 17 minuto)

Ayon sa video manwal na ito, simula nang ibalik ang kalayaan sa pamamahayag noong 1986, may lampas na 170 mamamahayag ang pinaslang, at 120 nga rito ay pinatay dahil sa trabaho.   Ang Staying Alive ay isang praktikal na manwal o survival kit para sa mga mamamahayag para hindi sila mapaslang, tulad nang marami na sa kanila  na nagbigay-reputasyon sa bansa bilang isa sa pinakamapanganib para sa profesyong ito.

Heto ang video:

Ang malaking kabalintunaan sa napakahalagang video na ito ay humantong na ba tayo sa ganito, na ang isyu ng kaligtasan—buhay at kamatayan—ng mamamahayag ay pangunahin nang inilalagay sa kanilang mga kamay?  Ito ang nakalulungkot sa video manwal sa serye ng “Murder and Malice: Media Killings in the Philippines” ng PCIJ, na ang kawalan-kakayahan ng estado na protektahan ang mga tagapaghatid ng balita’t opinyon ay ipinapapasan sa mismong mga profesyonal at ang kanilang hanay ang sariling seguridad.

Ed Lingao ng PCIJ, sa bidyong "Staying Alive" ng PCIJ. (video grab)

Sa katunayan, ang mapapansin sa video manwal ay ang estado bilang absent metasignifier ng pambansang penomenon ng pagpaslang sa peryodista.  Wala ang estado—ang gobyernong inutil sa maraming pagkakataon na dakipin, isakdal at ikulong ang pumatay, lalo na ang mastermind na kadalasan ay kabahagi ng mismong estado:  mga politiko, military, negosyanteng naapakan ng expose ng mga mamamahayag.

Wala ang estado pero ang estado ang nagluwal at nagpaunlad ng pagpaslang sa peryodista at ang mas malaking politisisasyon ng kultura ng impunidad.  Sa kanya naoorganisa ang penomenon:  kung bakit may mga mamamahayag na patuloy pa ring pinapaslang sa kasalukuyan, inaabot ng siyam-siyam ang pagkakaso sa mga akusadong pumaslang o nagpapaslang, inaantay lamang silang sumuko imbis na hanapin at arestuhin kung sakali mang makasuhan, at ang komersyal na media ay wala ring interes na itaguyod ang isyung ito lalo pa pagpapaigting ng infotainment sa media.

Kung susundin ang video manwal, kapag may panganib na natugunan ang mamamahayag, kailangan itong maging mapagmatyag, baguhin ang routine; mag-log ng mga kahinahinalang mga tao, sasakyan at insidente; huwag gumamit ng cell phone sa sensitibong pagsusubstansya ng ulat; makipag-solidarity sa iba’t ibang grupong pang-media.

Kapag nariyan na ang panganib, lumaban kahit barabarabay lang, ayon sa security expert sa video, para lamang maipagtanggol ang sarili.  Epektibong naipagsama ang praktikalidad ng individual na seguridad na pinapasa’t pinapagawang responsibilidad na rin para sa lahat ng mamamahayag sa bansa.

Bukod sa security expert, kasama rin ang abogadang kalahok sa prosekusyon, editor ng news organization, mga representatibo ng mediawatch organizations, at iba pang personalidad para sakupin ang mga usaping legal, paralegal, self-defense, solidarity networking, at iba pang isyu at aksyon na maaring gawin ng mga mamamahayag para protektahan ang sarili.

Ang trahedya sa patuloy na repetisyon ng pagpaslang sa mamamahayag ay ang kompartamentalisasyon ng usaping pang-seguridad sa antas ng mga individual na mamamahayag sa pangunahin.  Dito papaloob ang iba pang “praktikalidad” sa isyu:  ang pag-aarmas sa mamamahayag, ang mga aktibidad sa larangan ng patuloy na edukasyon hinggil sa media safety, at iba pang mga bagay.

Tila sinasabing wala naman lubos na kapangyarihan ang media at mamamahayag na legal na aksyonan ang mga pumaslang at nagpapaslang kaya dito na lang tayo sa mga isyu ng praktikalidad.   Humantong na nga ba tayo sa ganito?

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-1 ng Abril, 2012, Pinoyweekly.org.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 119 other followers