Imahen mula sa http://www.dalje.com
Ibuyanyang na lang natin ito bilang “Arroyo disease.” Mga sintomas: pananahimik kapag nasa gitna ng skandalo, pagtago sa poder ng Malacañang imbes na makiugnay sa mga tao, pagharap lamang sa mga kausap na elitistang negosyante at dignitaryo, at pag-aantay na humupa ang alingasngas.
Ganito si Arroyo kapag nakabanta at nakapalaot sa skandalo. Nananahimik, mistulang nangingimi, iba ang nagsasalita at umaako para sa kanya. At sa kanyang pagkawala, ang spin doctors ni Arroyo ang nagmamaniobra para pahupain ang skandalo.
Pumutok, halimbawa, ang expose ni Jun Lozada. Nadawit si Arroyo sa skandalo ng NBN-ZTE. Biglang nagkaroon ng krisis sa bigas. Pumila ang mahihirap para sa mura pero mababang kalidad ng NFA rice. Ang iba ay nabiyayaan ng food coupon na doleout.
Imahen mula sa http://www.jimwes.com
Nagkaroon pa ng rehiyonal at global na dimensyon ang krisis sa bigas at pagkain. Umangal ang Pilipinas sa binubuong rice cartel sa Southeast Asia. Nagmanikluhod daw sa Vietnam at Thailand na bentahan ang bansa ng bigas kahit pa prinoprotektahan rin ang sarili nilang pambansang supply.
Tumaas ang presyo ng gasolina, at sumunod ang pamasahe at bilihin. Global rin daw ang kadahilanan dito kahit 90 araw nang nabili ng mga higanteng kompanya ng langis ang kanilang supply na ibinebenta sa kasalukuyan. Sa pinakamataas na halaga ng per barrel ng petroleum, mamamayan ang umabsorba ng krisis. Natiyak pa rin ang 40 porsyentong tubo ng higanteng kompanya ng langis sa bansa.
Nagkaroon ng alingasngas sa Meralco. Tayo pala ang nagbabayad ng mga ninakaw na kuryente, pati ang kuryenteng gamit sa mismong opisina ng Meralco. Kaya naman pala ang kaibigan kong accountant na nakapagtrabaho sa Meralco ay umaangal sa sobrang lamig ng centralized at 24-oras na airconditioning matapos namin grumadweyt noong 1986. Ipinapasa pala ito ng Meralco sa atin.
Imahen mula sa http://www.donavictorina.blogspot.com
Umatake si Winston Garcia ng GSIS, isa sa pinakamaeskandalo ring opisyal ng administrasyong Arroyo. Tinake-up ang causa ng consumer pero ang sapantaha ng mga tao ay gusto lang i-take-over ang management ng isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa. Pati na rin ang pagbiyak ng Meralco, at paglipat sa isa pang negosyong kuryente mula sa Cebu na malapit kay Arroyo.
Namudmod ng doleout si Arroyo sa mga mahihirap na kustomer ng Meralco. Regular nga silang nakakapila araw-araw para sa bigas ng NFA. Matapos lamang ang ilang buwan, sa pagsisimula at pagtatapos ng bakasyon na dating nagpabulwak sa libo-libong estudyanteng sumuporta kay Lozada, naetsapwera na ang whistle-blower. Nagkaroon na naman ng maigsing relief si Arroyo sa mismong sakit nito.
End-game ang kalakaran ni Arroyo. Pinapalipas lang niya ang skandalo na tulad ng pagtrato ng umutot sa kanyang ginawa. Biglang may maamoy na nabubulok na baho, maari pa ngang pangunahan ng di rin kagandahang tunog. Ang rule naman sa umutot, na tulad din ng rule sa extramarital affair, ay huwag umamin.
Kahit na ikaw na nga ang napakinggan ng tunog at naamuyan ng utot, hindi naman makakapag-usap nang sabay ang mga nakatunghay. Tulad ng mga nagsisiksikang tao sa loob ng elevator, maari lamang matukoy kung saang gawi pinakamalakas ang tunog, pero hindi naman matutukoy kung saan ito talaga nagmula.
Di nga ba sa ututan, ang unang pumiyok, siyang umutot. Kaya para hindi mapagbintangan, manahimik na lamang. Para hindi mapagkaisahan, less-seen-the-better ang mode. Hindi naman direktang maiuugnay ang utot sa umutot.
Ethereal ang utot, tulad ng paniniwala ni Arroyo tungkol sa skandalo. Kaya sa huli, kahit sa pinakadismayadong nakatunghay ng skandalo, nakakahon ang alingasngas sa pagdaan ng mabilis na panahon. Ang hindi naisasaalang-alang ay ang alingasngas ay hindi naman nag-iisa at natatangi. Ito na ang kalakaran ng araw-araw na buhay sa tumitinding krisis ng buhay sa ilalim ng rehimeng Arroyo.
Imahen mula sa http://www.newshopper.sulekha.com
Ang trahedya ng paglubog ng MV Princess of the Stars at ang mas malaking trahedya ng pagpapatuloy ng operasyon ng Sulpicio Lines na may-ari ng lumubog na barkong kinamatayan ng 700 katao ay gawa ng kalikasan at Diyos. Hindi ito matutukoy sa gobyerno kahit pa nag-15 minutes ng extended fame si Bise Noli de Castro sa pag-oversee ng relief operation sa lumubog na barko.
Ang 15-second fame naman ni Arroyo ay nagmula sa kanyang teleconferencing isang madaling araw na kung hindi pilit na nakikisimpatya ang close-up na overacting na mukha ay sinasabing tumitili sa sinisising opisyal. Matapos ang trahedya, ang pinakamalaking trahedya ay ang kawalan pa rin ng panlipunang katarungan sa mga biktima ng paglubog.
Ang kawalan ng panlipunang katarungan ang pinakatampok naman na epekto ng Arroyo disease. Ang mahihirap at gitnang uri ay wala nang maasahan kay Arroyo maliban sa manaka-nakang doleout, dalawampung pisong dagdag sa minimum wage, o temporaryong relief dahil sa minsanang bonus na ipinamumudmod.
Sa huli, umiimpis na hangin sa loob, kundi man papalubog na ang salbabidang kanilang pinanghahawakan. Paano ka ililigtas ng isang bagay na lumulubog rin? Buti pa nga ang resulta ng mga dagang nalulunod, organisadong nagbibigayan para makalabas sa iisang butas ng katubusan.
Ang tao, nananatili na lamang nakalutang sa fantasya na ayaw pang kilalanin ang historikal na pinaglulugaran: ang pagdarahop na lagay dulot ng krisis pampolitika (serialisadong pangungurakot at pandarambong sa mamamayan), pang-ekonomiya (pagdoble ng presyo ng gasolina sa loob ng kalahating taon, pagtaas ng presyo ng bilihin, kawalan ng supply ng bigas), at panghustisya (sino ba lamang ang pumipila para sa bigas, ang nakararanas di kumain ng ilang araw, halimbawa?).
Tunay naman, Santa Gloria, “Ramdam ang kahirapan!” Ang iyong isinasaad na “Ramdam ang kaunlaran” ay dulot na lamang ng konstruksyon ng imaheng matagal nang inilalako kundi man nabili na rin ng mamamayan. Gusto nang lahat na yumaman, ayaw maghirap.
Gusto nang lahat na magkaroon ng regular na trabaho, ayaw mawalan ng trabaho. Gusto nang lahat na kumita nang maayos, ayaw ng pangingikil at pagsandal sa iba. Kahit hindi naman nangyayari ito.
Ang ramdam ay ang afektong dulot nang pananalig na mababago ang mundo kahit hindi naman. Ramdam lang naman, as-in feeling. Feelingera, kung baga, dahil sa esensya ay hindi nga gayon. Mas magiging makatarungan ang lipunan, kahit hindi pa nga at hindi lalo kay Arroyo. Ang ramdam na ito ang nagtataya sa mabuting kinabukasan, kahit hindi nga.
Kaya si Arroyo ay isang panlipunang sakit dahil pinalulutang na lang niya sa ere ang ating ramdam. Kung kay Joseph Estrada ay ninakaw niya ang panaginip ng masa, ginamit -para sa kanyang sariling personal at politikal na layon, si Arroyo ay hindi na binigyan ng pagkakataon ang masa at mamamayang managinip pa.
Ipinagtanto na lamang ng masa ni Arroyo ang pambansang kaunlaran na isinisiwalat ng kanyang manininging na statistika bilang dalumat na pag-unawa ng indibidwal na kaunlaran. Napapaniwalang umaangat tayo dahil ito ang isinasaad ng balita, komersyal ng produkto, telenovella, at malling ang posibilidad ng pag-angat.
Na hindi na napapansin ay ang lahat ng posibilidad ay hindi naman talaga nagsasakatuparan ng aktwal na pag-angat kundi pakiramdam lamang. Ang ramdam ay pakiwari dahil nagsasaad ito ng kontexto ng kaunlaran—na ito ay nararamdaman na kahit hindi naman aktwal na nadadama, at lalong hindi mabibigyan ng pagkakataong madama pa.
Para itong pep talk sa sarili o ng coach sa basketball. Pinangungunahan na ang magaganap kahit pa talunan naman talaga ang kahihinatnan, kahit pa hindi pa nagsisimula ang laro. Sino ang talagang kinakausap ng sarili sa salamin?
Imahen mula sa http://www.rightonthemark.wordpress.com
Ibig sabihin, ang nagawa ng Arroyo disease ay papaniwalain ang mga tao hindi ng kaunlaran kundi ng reafirmasyon ng kanilang pag-estima sa ofisyal na diskurso bilang obhetibong realidad ng sarili. Maunlad ako dahil ramdam ko ang kaunlaran, kahit pa wala naman aktwal na substansya ng demokratikong kaunlaran na nagaganap sa bansa.
Sapagkat ang mga statistika ay hindi naman lubos na nagsisiwalat ng detalye hinggil sa diskrepansyang uri, kasarian at sexualidad, lahi at etnisidad na profiling, across-the-board ang napaparating nitong pambansang pakiwari. At kung gayon, ang napaisip ay hindi ang pagkaetsapwera kung hindi ang pagka-joiner sa kolektibo.
Isinadlak ni Arroyo ang maraming mamamayan sa pagiging social climber sa buhay. Gustong umangat, ramdam ang pagkaangat. Kahit pa nakasarado ang pinto ng oportunidad at tunay na pag-unlad, sa pamamagitan ng charity work politics niya (ang gamit sa kitty ng Pagcor, Lotto at Sweepstakes) nadarama ng masang nagmamanikluhod sa kanyang kapangyarihan.
Dati, dahil nag-aaral ako sa ibang bansa, kapag bumabalik ako sa Pilipinas, ang isa kong panuntunan kung may pag-unlad ay kung may infrastruktura at moral na pagbabago. May bago bang flyover na naitayo, tulay at kalsada?
Gusto ko na lamang itong tunghayan bilang tapos na artifact. Nakakamatay dumaan araw-araw sa lugar na pinagtatayuan ng flyover dahil biglang tumitigil ang panahon at nababalaho ang espasyo. Araw-araw na pagdurusang ganito o instantaneous na gratifikasyon?
Sa panahon ni Fidel Ramos, tila nga totoo na mas maraming nabibili ang perang kinita. Lahat nang ito bago ang global na krisis ng 1997. Biglang naghigpit na ng sinturon at magpahanggang-gayon ay hindi naman lubos na nagbago ang modang ito, kahit wala nang ihihigpit pa ang sinturon.
Ngayon, wala nang kahulugan ang imahen ng high-rise buildings at cityscape, at pagpipinta at pagpapaganda ni Bayani Fernando ng kalsada. Ramdam na ang kahirapan. Wala nang marami ang magsasabi na ramdam ang kaunlaran.
Ang kahilingan ngayon ay kung paano ang inarestong ramdam ay magiging politikal na pagbubulwakan ng pagkilos at organisasyon. Paano pagtatagniin ang indibidwasyon ng pagramdam sa kaunlaran at kahirapan para matransforma sa kolektibong aksyon?
Dalawang sona na lamang si Arroyo. Bilang na ang oras na maproprotektahan ang interes nito at ng kanyang paksyon ng naghaharing uri. At sa pagbagsak ng kalidad ng kolektibong buhay, hinog ang panahon na ang pang-ekonomiyang krisis ang magtratransforma sa politikal na pagbabago.
Paigtingin ang linggo-linggong noise barrage, kalampag-kaldero laban sa kagutuman at paghihikahos, pagsisindi ng kandila bilang protesta, human chain laban sa korapsyong kumakain ng budget sa serbisyo publiko, militanteng kilos-protesta laban sa higanteng kompanya ng langis at kay Arroyo mismo.
Naalaala ko ang isang taktika ng dulansangan. Newspaper drama. Magkukwentuhan ang mga aktor sa palengke tungkol sa pang-ekonomikong isyu. Bubuksan para madinig ng iba, at makasama sa usapan ang tindero’t namamalengke. Hanggang magkaroon ng pulutong.
At kapag nagkaroon na ng kritikal na masa, ibubunyag ang mga sarili bilang kasapi ng organisasyon. Mag-aanunsyo na ng kilos protesta, mamumudmod ng polyeto. May pangangailangang makapagmobilisa ng pinakamaraming bilang ng hanay ng masa at mamamayan tungo sa protesta.
Kung iisipin, protesta lamang ang solusyon para gumaling tayo sa panlipunang sakit ng Arroyo disease. Na kung maganda ang resulta, tayo naman ang magsasabi sa SONA ng July 28, “What a masterpiece!”
Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-12 ng Hulyo, 2008, Bulatlat.com.