Syudad ng Tarps, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

6a00d8341c570653ef00e54f6295a08833-800wi

6a00d8341c570653ef00e54f7b1a1c8834-800wi

6a00d8341c570653ef00e54f7b255c8834-800wi

imahen mula sa my_sarisari_store.typepad.com/…/billboards/

Syudad ng Tarps

Iba ang measure ng urbanscape sa bansa. Paramihan ng tarps (tarpaulin), mga malalaking canvas na polyester na may coating na plastic o PVC. Water-resistant kundi man waterproof ang tarp, kaya magandang materyal lalo na para sa outdoor advertising. Hindi aksidental ang pagpasok ng tarp na teknolohiya sa digital na mundo ng computer at layouting.

Kayang i-print ang mga kulay at detalye, at dahil mas matibay na materyal, mas tumatagal. Mas mura na ngang magpa-tarp kaysa magpagawa ng streamer, halimbawa, mula sa dating nagpipinta at nagle-lettering na artisano. Tanging buhay na lamang ang mga ito sa paggawa ng lugar na plate para sa mga namamasadang jeepney. At siempre, ang teknolohiya ng tarp ay hawak ng mga malalaking copier.

Ang isa pang drawback ng tarp ay ang kawalang butas nito kaya napapatumba at bagsak ang mga struktura gulugod nito. Hindi miminsang may bumagsak na advertising structure sa EDSA dahil sa bagyo. At sa bansang may pinakamaraming insidente ng bagyo at iba pang kalamidad, tunay na madalas at madalian ang pagtanggal ng tarp sa advertising structures sa highway.

Delikado rin sa mga naglalagay at nagtatanggal ng tarp ang akyat-baba ng struktura. Under-reported ang mga insidente ng aksidente sa tarp, pati ang kakulangan ng safety harness at iba pang gamit sa proteksyon sa mga trabahador. Hindi rin biodegradable ang tarp kaya sa dinami-rami ng higanteng ads sa mga kalsada, pati na ang dalas ng palitan nito, baka ilang bundok ng basura na ang katumbas nito.

Nagmistulang syudad ng tarps ang Metro Manila, pati na rin ang iba pang syudad sa bansa. Sinasaad ng tarps ang mga papangaraping produkto at serbisyo ng mamamayan-mamimili. Tumatawag pansin ang tarps sa mga imahen ng urbanidad at kosmopolitanismo. Urbanidad dahil may mga bagong pagmamarka sa pagtaas ng kalidad at panuntunan ng gitnang uring buhay. Kosmopolitanismo dahil sa mga bagong alituntunin at dekorum ng pagiging urbano at sibilisado, may pagbubukas ng kaisipan sa mga alternatibong paraan ng pag-iisip at pagkilos.

Kaya hindi nakakapagtaka na ang tarps ang pangunahing lunsaran ng Bench campaigns, na nagdidispley ng hubad na mga modelo, lalo na lalakeng modelo, na may matitikas na pangangatawan. Lantaran ang lahok ng sex, at kabataang maskulado at sexy na katawan. Nakakapanghimok ang ad ng bagong urbanidad, na kailangang mag-invest din sa undergarments; at bagong kosmopolitanismo, na nagsasaad ng pakiwaring sexy kahit ikaw lang naman ang nakakaalam ng panty o brief na suot mo.

Ang brand ng Bench ay nagkaroon ng pagtutumbas ng sa naratibo ng individual na sexiness, hip, young at beautiful. At ang ganitong mga ad—sa medium ng tarps—ang nakakapanghimok ng mga pakiwaring urbanidad at kosmopolitanismo sa mamamayan ng lunsod. Bagong panuntunan at alituntunin kung nagnanais maging mabuting mamamayan ng syudad.

Sa pamamagitan ng tarps—hindi mabubulok—nagiging sariwa ang pakiwari. Show window sa urbanidad, at pati na rin sa nagaganap na urbanisasyon. Mas maraming tarps, mas urbanisado ang lunan. Mas urbanisado, mas may urbanidad. Na hindi naman direkta ang ugnay dahil nga ang tarp ay mismo ay gaudy dahil hindi ito tunay. Simulacrum lamang ito ng tunay.

Simulado sa kalakarang kayang palakihin ang imahen ng tunay, o sa mas spesifikong antas, gawing tunay ang fantasyang ibinebenta. Makapangyarihan itong simulasyon ng tarps dahil nagagawa ito sa pamamagitan ng spektakularisasyon—kalkulado ng advertising ang bawat detalyeng inilalahok sa ad (photography, make-up, styling, accessory, event, at iba pa), at ang kalkulasyong ito ay nakakapanghimok ng pagtutulad (tularan mo po itong ideal), na magtratransforma ng fantasya bilang tunay (kalakarang pangangailangan hindi na lamang kahiligan), at kung hindi mapapasaiyo, ang panuntunan ng pagtitimbang at pagtatangi ng kakulangan ang ipaparanas sa individualisadong sikoanalitikal na panuntunan.

Literal ang spektakularisasyon dahil sa pamamagitan ng higanteng imahen at tagline ipinaparanas ang sikoanalitikong paghahabi ng naratibo ng produkto bilang naratibo ng sarili ng mamamayan-mamimili. Tulad na rin ito ng karanasan sa pagmomolestiya, walang dangal na pinapasok at sinasalat ang mga bagay na hindi dapat salatin, pero ang kakatwa nga lang rito, may kasiyahan sa molestasyon. Kay saya lang hinahalay ka ng ads na ito.

Ang pinakaspektakularisadong erya ng EDSA ng tarps ay ang sa tulay ng Guadalupe sa Makati. Pinakanamumutiktik ang bawat lugar rito, pagpasok at paglabas, kaliwa at kanan ng tulay. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking tarpaulin, ang sa tagiliran ng Guadalupe Station ng MRT, kasing tayong siguro ng sampung palapag na gusali.

Mawawala ka sa pagmamaneho sa pag-aagawan sa mga mata sa maaring tignan na tarp. Lahat ay nanghihimok ng atensyon ng biyahero. Nasa MRT ka man, sa ilog o sa ibaba ng tulay, ibabaw man ay may spesifikong adbentahe ng pagtanaw at pagtunghay na maaninag. Bawat anggulo ay may tarp, at bawat tarp ay nagsasaad ng bagong produkto at komodifikasyon.

Nang-aagaw ng atensyon ang tarps dahil bawat isa rito ay nakakatawag-pansin. Tila ito mga magkakahanay na uniberso ng konsumerismo at labis na kita sa kapitalismo. May sariling pagwari sa mundo, gayong ang kalakaran ng pagbasa at pagtunghay sa sinasabi ay magkahalintulad—bumili at nang magkaroon ng kabuuan, bumili at nang maging substansyal ang kalidad ng buhay. Bumili at mabuhay, o mamatay.

Kaya rin inaakyat ang struktura ng tarpaulin ng mga abang taong may matinding anxiedad. Nais nilang pumaloob sa mundong isinisiwalat ng tarp, at ng mismong literal na tarp—maging matayog, tinitingala, dinadambana, at tinatangi dahil sa tunay na buhay, hindi sila ito. Nais nilang maging bahagi ng spektakularisasyon sa spektakular na pag-akyat nila sa tarp. Talo nila si Spiderman in action, dahil sa tunay na buhay sila ay kasama sa minamasaker na talunan ng lipunan.

Nilililok ng mga struktura ng tarps ang bagong edifice ng syudad. Purong imahen, statikong karangyaan at konsumerismo, at ang irony nito, manipis lamang ang imahen na ito. Walang nasa likod ng imahen ng urbanidad at kosmopolitanismo. Parang sine, intense ang natutunghayan na nanggagaling di sa mismong harap ng manonood dahil wala namang nasa likod ng puting screen. Galing ang spektakularisasyon at panghihimok sa gitnang uring fantasya sa makinang projector sa likod ng manonood.

Sa tarps, ang fantasya ay harap-harapang itinatangi ng bawat ad. Parang jigsaw puzzle na magkakahiwalay ang pira-piraso gayong buo naman ang imahen ng konsumerismo at kapitalismo sa bawat ad. Hihihimok ang pagtangkilik, ang pagiging tao, at ang urbanisadong pagkatao. At walang nasa labas nito.

Kahit ang tunay na mundo, ang historikal na mundo, ay ang kabuuang nasa labas ng ad. Kung pwede lamang mag-morph ang mga tao sa ad, maging kaisa ng mundo ng tarp kaysa sa labas nito. At ito man ay isinasaad din ng syudad ng tarp, nasa loob tayo ng mundong likha ng estado, at ang ninanais naman ay makawala sa mundong ito at pumaloob sa higit pang kapariwaraan sa konsumerismo at kapitalismo.

Sa syudad ng tarps, ang tarp ay hindi lang naman ginagamit bilang advertising ng higanteng negosyo. Hindi makailang ulit na akong nakakita na ang mga tarp ay hinahablot din ng mga ordinaryong tao, ginagawang panangga ng init sa tricycle o bubong sa kariton.

Hindi ba tayo nagtataka na sa syudad ng tarps ay walang tarp sa basurahan? Hindi humihimlay ang tarp sa Payatas. Nagiging bahay ito, nagiging kasangga sa buhay at kabuhayan. Sa mga nawalay na tarps, ito ay nagkakaroon na lamang ng literal na halaga ng bagay—ang hindi nabubulok na materyal na maaring magamit sa isang daan at isa pang paraan ng abang uri na walang akses sa orihinaryong ibinebenta ng imaheng nakapaloob sa tarp.

Ito ang pananalig ni Gloria Arroyo at iba pang politikong nahilig sa mass reproduction ng kanilang imahen sa tarps, sa isang milyon at isang proyektong sila ang umaako bilang awtor at awtoridad. Inaantay na lamang ng abang uri na matapos ang proyekto, kundi man na mahulog ang pagkatali o pako ng tarp, at nang mapakinabangan ang materyal sa mas makabuluhang bagay.

Na ang pangahulugan ay walang kabuluhan at kahulugan ang tarps ng mga negosyo at politiko sa abang mamamayang hindi makapasok at makapaloob sa exklusibong naratibo ng estado. Mga nagpapapogi na kay daling sulatan ng kontraryong “pangit” o hablutin at nang tunay na mapakinabangan ang mga pekeng imahen.