Rolando Tolentino

Month: November, 2008

Blast from the past na palabas ng politika, Bulatlat.com Column

2007b_gerilya

00_0d_53_16

imahen mula sa www.ourownvoice.com/books/2007b-gerilya.shtml

catalog.ndap.org.tw/dacs5/System/Exhibition/D… (ang instrumentong “patatag,” pinaghalawan ng pangalan ng koral na grupo ng dekada 80)

Blast from the past na palabas ng politika

Noong nakaraang linggo, nanood ako na dalawang palabas. Hinigop ako sa isang dating politika na matagal ko nang pinagdaanan. Kaya nang muli itong humarap sa akin, tila ito magnanakaw na mas ikinagulat ko pa ang panghihimasok kaysa sa pakiwaring may natangay sa akin. Luma na itong politika, at muling nailalapag sa iba’t ibang motibasyon sa kasalukuyan.

Kapag sinabi kasing “blast from the past,” tunay namang bomba nukleyar ang balik ng isang karanasan sa nakaraan. At ang pagbabalik ay naghuhudyat ng kapasidad nitong manglusaw sa kasalukuyan. Bagamat hindi ko matitiyak ang intensyon ng mga palabas o ng kanilang mga awtor, ang pagtatangkang muling buhayin ang nakaraan para sa interogasyon di lamang nito kundi lalo na ng kasalukuyan ang nais kong tukuyin rito. Kung ano ang kinalabasang manipulasyon ng panahon, para kaninong interes, at ang resultant na politikal na proyekto.

Una ay ang panonood ko ng dulang “Gerilya ng Powell” na hinalaw ni Rody Vera, batay sa unang nobela ni Benjamin “Boying” Pimentel. Ang nobela at dula ay ukol sa mga nagtatandaang Filipinong na sa nag-aantay sa ekonomikong kapantayan sa mga sundalong Amerikanong nanilbihan rin sa World War II, at mula sa San Francisco (California, di Del Monte), isa-isa nang nangangamatay sa pag-aantay sa wala. Para itong dulang “Waiting for Godot,” na ang mga tauhan ay nag-aantay, nakikipagkwentuhan tungkol sa pagdating ni Godot, pero sa huli ay hindi naman dumating ang inaantay.

Ang kaganapan ay isang imahen lamang. Paano mag-antay sa anino ng magpapantay na kagalingan? Paano mag-antay sa tiyak na darating, ang imperatibo ng kamatayan? Ang proyekto ng naratibo (ng dula at nobela) ay pag-ugnayin ang mga imahen—mga anino, multo, kaluluwa, pagkatao, at iba pa. At ang labi ng pag-uugnay na ito ay panghihinayang, hindi pa sa akto ng pag-aantay, kundi sa politika kung bakit sila nag-aantay.

May tatlong panahon na pinag-uugnay ay ang mga sumusunod: una, ang panahon ng giyera laban sa mga Hapon, at ang pagpanig ng mga Filipinong sundalo hind pa sa Hukbalap na mananatiling buhay matapos ng giyera, kundi sa giyera ng Amerikano; ikalawa, ang panahon ng batas militar hanggang sa biyakan ng Kaliwang kilusan, at ang pagpanig hindi pa sa tagumpay ng anti-diktador na pakikibaka kundi sa indictment ng pagiging loser ng lihim na kilusan, ayon sa naratibo, na pumapatay ng kauri nito; at ang kasalukuyang panahon na ang pag-aantay ay reunion of sorts ng mga multong pagkatao (dating gerilya na ngayon ay tambay sa Powell Street, at ang biktima ng purging).

Ang tatlong panahon na ito ay nagtatago sa isang transnasyonal na lokasyon, ang Powell Street na publikong tambayan ng mga “manong,” na dating pantukoy sa mga lalaking unang nangibang-bayan sa Amerika bilang manggagawa sa canneries at agricultural belt, at sa sumunod sa mga nakapag-immigrate sa US bilang pabuya sa kanilang paglahok sa giyera ng US noong World War II. At malapit sa Powell Street, ang mumurahing kwarto at apartment na tinutuluyan ng mga manong.

Ang Powell Street ang naging sentral na lunan ng pagtatagpo ng mga manong. Ito ay may pisikal na sityo, doon sila nagkukwentuhan, nagtse-chess at nagkakantyawan. Ito ang natural na lagusan ng mga pribadong pagkatao ng mga manong, kahit pa sa dula, may aksyong ding nagaganap sa apartment at tirahan. Ang Powell Street ay metapisikal na lunan din. Ito ang kumpulan ng mga nagtatagpo at dumarating kaluluwa ng mga manong, maging ang interaksyon ng biktima ng purge sa mga manong.

Dispalsipikado ang interaksyong ito, inilalagay sa lunan ng metapisikal na spero kaysa sa materyal na kalagayan. At kung metapisikal na spero, maari lamang magtanong dahil wala namang masinop na tugon sa existential na isyu. Kung gayon, ang politika ay na-reduce sa kapantayan ng karapatan ng mga Filipino at Amerikanong beterano, na dinaot din sa naratibo: hindi ito darating, at kung dumating man, mabibilang na lamang ang makikinabang dito.

At kung magpakaganito, nauwi sa humanistikong appeal ang naratibo. Puro tanong at naturalistang pagtalakay sa mga buhay ng mga multo kahit pa nga absurdo ang paraan ng pag-unlad ng naratibo. Na ang mismong manunulat ay nanggagaling sa San Francisco, at may reputasyong unang Filipinong journalist na kinuha ng San Francisco Chronicler, chronicler ng dating buhay ng martir ng kilusang si Edgar “Edjop” Jopson, at muling nag-reissue nito na may hypothetical na kondisyon na kung nabuhay kaya si Edjop sa panahon ng disoryentasyon, ano ang kanyang gagawin, tunay na ipinipinta ni Pimentel ang kanyang sarili ng kanto ng kwarto.

Existential ang pagposisyon ni Pimentel kung wala siyang ugnay sa anumang faksyon ng kilusang kanyang tinatalakay, ang material na batayan na nagbigay sa kanya ng kultural na kapital. Pero sa nananatiling tunay na kilusan, ang nananatiling pinakamalawak pa rin na hanay ng Kaliwa at organisadong mamamayan, malisyoso ang mga tanong ni Pimentel. Walang paglulugar ang malikhaing tugon niya sa kanyang proyektong paglusaw sa pananatili ng pambansang demokratikong kilusan.

Kulang ang personal na introspeksyon sa kanyang inilunsad sa mga proyekto—sa personal na antas, sa indibidual na introspeksyong mamumukadkad ang panlipunan at historikal na tugon sa sistematikong paghihirap, pangungurakot at pagmimintina ng naghaharing uri. Alam nating hindi kaya ng introspeksyon at indibidualismo bilang tugon sa pang-uring tunggalian ng estado at mamamayan.

Ang ikalawang napanood ko ay hindi mas hayag ang politikal na proyekto. Ito ang concert reunion ng korong grupong Patatag. Ang okasyon ay para makalikom ng karagdagang pondo para sa pagpapagamot ng dating kasamahang may kanser. Dalawampu’t apat na taon matapos silang unang itatag, matapos ng mahaba-haba ring panahong hindi sila aktibo, naganap ang konsierto sa Bistro 70s.

Na hindi rin naman tulad ng mega-hype sa reunion concert ng Eraserheads, walang malawakang hype at transgenerational na fans na dumalo sa okasyon ng Patatag. Mga loyalist fans ito, kasama ng iba pang aktibo sa kilusan na napukaw ang kanilang musical fare ng cassette tapes at awit na pinopopularisa ng Patatag. Maliban sa ilang factual na intro sa mga awit—kung sino ang nag-compose, nagsalin, kailan inawit at sumikat ang awit—marami sa spiels ay hiwalay na sa nakaraan, at nakatuon na sa kasalukuyang estado ng mga miyembro.

Parating banggit ng mga nagpapakilala “marami na kaming tinahak na iba’t ibang landas” bilang paukol sa kanilang naging buhay matapos ang Patatag. Halos mahulog lang ako sa aking upuan nang ipakilala ang kantang “Santa Filomena” na ukol sa hamletting, mula sa punto-de-bista ng ibong langaylangayan, sinabi ng tagapagpakilala na parang tema ito ng buhay nila dahil marami na rin daw nangibang-bayan at nagkahiwalay ng landas sa grupo. Samakatuwid, ang mga awit ay nakabatay na sa personal na ugnay, hindi na sa politikal na larangan.

Tatlong CD ang kabahagi ng bayad sa tiket. Ito ang mga digital remastered na audio ng cassette tapes ng Patatag. Mapapansin ang purposiveness ng unang dalawa—awiting pesante at agraryo ang una, ang ikalawa ay ukol sa base militar ng US sa bansa. Ang pangatlo ay spiritual, at ito ang pinakaspektakular ang vocal harmony ng grupo. Ang Patatag ay kilala sa kanilang pag-render ng mga progresibong awit sa areglong masusundan ng mga kasapi ng kilusan. Ang ikatlong CD ay nagtri-triple somersault in the air, at matapos ng release nito, naging inaktibo na ang grupo.

Nostalgic ang mga tao sa muling pagtitipon at konsierto ng grupo, na antithetical sa dating diwa ng Patatag—ang libreng pagtatanghal sa lansangan, piket at mass actions. Maging ang ilang hindi naman lumaki sa panahon ng Patatag, sa musika lamang sa disembodiment ng grupo, ay nakatunghay sa kanya sa isang pantapat na benyu. At maging ang hindi na aktibista ay naki-sing-along pa rin sa pagbabalik-tanaw sa tila isang golden age.

Pero walang golden age na nangyari. Walang aaming maganda ang musika habang minamasaker ang mamamayan ng diktdura at ng rehimen ni Cory Aquino. Ang idealisasyon ng nakaraan ang tanging nangyari sa Patatag at sa Powell Street. Ang musika ng Patatag ay nagpapatuloy, dahil hindi na ito sa Patatag lamang. Ito ay inako na ng kilusan, at maging ang “underground” RJ station. Ang una ay nagpapatuloy ng kanyang politikal na proyekto, ang ikalawa ay ang nostalgia trip nito sa naging kabahagi ng henerasyon ng Patatag.

At ito ang aking blast from the past na umantig hindi pa sa aking politika, kundi sa politika ng pagtatanghal ng politika. Ang pananatili ng sistematikong kondisyon ng estado ay nangangahulugan ng pananatili at reimbensyon ng politikal, hindi lamang simpleng pagtatanghal nito, o lalo nang pagbabatikos nito ng walang rekurso sa labas ng indibidualistikong introspeksyon. Ang sining ay nananatiling para sa pagpapakilos ng mamamayan para sa kolektibong kabutihan.

Pagtakbo at zen, Bulatlat.com Column

jog2

imahen mula sa http://atfnetwork.ning.com/

Pagtakbo at zen

Ngayon lang ako nagkaroon ng sports na tinatangkilik na buhay pa rin, matapos ng lampas isang taon. Noong bata ako, sa slambook ng mga kaklase, wala akong tiyak na masulat sa tanong na “sports and activities.” Sinusulat ko na lang ay badminton kahit ito ay gamit ang family badminton set na nabibili sa affordable na halaga. At tulad ng maraming “sports” na tinatangkilik sa bansa, nilalaro na walang court, uniporme, akmang sapatos at rules. Bara-barabay kumbaga. Kahit mahangin ay naglalaro pa rin sa patag na lugar.

O di kaya ay bowling na unang ipinakilala ng aking mga magulang nang napilitang isama kami sa kanila ring miminsanang pagpunta sa bowling lanes sa Gapan. Di pantay ang sahig, nasasalubsob ang yapak na paa, at baku-bako na ang lanes, pati na rin ang bola. Pero masaya ang gabing iyon, na kahit na nga pauwi kami at ang mga matatanda ay inaantok sa nagsisiksikang biyahe, kaming mga bata ay buhay na buhay pa ring pinagkukwentuhan pa rin ang bagong karanasan.

Nag-gym ako dati at tunay namang matagal magpalaki ng katawan at magpaliit ng tiyan. Pero sa liit ng sweldo sa pinagtuturuan ko, at sa buwanang laki ng kaltas, di ko na kayang magbayad sa gym sa mall. Yung malapit naman na gym sa bahay ay parang hindi naman pangtao dahil yung isa ay nakatutok ang harap sa mainit na araw sa hapon. Yung isa naman ay kakaunti ang gamit, mahal para sa kanyang fasilidad, at napakalakas ng tugtog mula sa makulit na anunsyo sa estasyong FM.

Sa Unibersidad ng Pilipinas ako nagtuturo at ang isang perk ng pagtuturo ay ang mga higanteng akasyang nakalinya sa magkabilang kalsada sa University Oval. Na kahit na nga mausok mula sa humaharurot na sasakyan, na kapag naglinis ka ng ilong ay itim na hibla ang lumalabas, ay OK na rin. Pagtakbo ang naging sports ko. Naisisingit ang kalahati hanggang lampas ng isang oras sa hapon at gabi, bago umuwi sa bahay.

Gusto ko ang pagtakbo dahil di matatanya ang itatakbo hanggang hindi aktwal na tumatakbo. Sa simula, kapag ako ay nakalimang ikot na sa oval, kinabukasan ay kahit isang ikot ay hindi ko matapos. May araw na akala ko ay malakas ako, pero nangangalahati pa lang sa oval ay biglang nananamlay. O araw na nanghihina dahil sa puyat, bigla na lamang makakatakbo ng lampas-lampasan.

Sa kalaunan, ang pagtakbo ay isang dayalektikong aktibidad. Kailangan ng akmang pahinga at diyeta para masustina ang pagtakbo. Nafa-factor in na ang tulog at pahinga, maging kung ano ang kinain, sa kalidad ng pagtakbo. Kaya pati ang mga ito ay nababantayan na rin. Kung hindi nga, disimulado ang kalidad ng pagtakbo. Malakas, mahina, matagal, mabagal, kakarag-karag, may buhos, pero hindi sustenido.

At ang isang paalaala sa pagtakbo, kailangan nga ay patuloy itong ginagawa. Kundi ay babalik na lang parati sa “baby steps” na tila nagsisimula na namang muli. Kung hindi nakatakbo, halimbawa, ng dalawang linggo, tiyak na ang unang takbo ay malaki ang kabawasan sa huling takbo. Kailangan na namang simulan sa batayang lebel hanggang sa umangat sa makataas.

Para itong zen mode, na nakukuha ang perfeksyon ng isang bagay o buhay batay sa masteri ng nito, kabilang ang instrumentalisasyon ng katawan at pisikalidad sa larangan. Kung ako ay isang potter, halimbawa, sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasabuhay ng aking sining matatagpuan ang zen na antas ng buhay. Na nagkakaroon ng spiritwal na dimensyon ang pisikal na aktibidad, o gamit ang pisikalidad, ang ritualisasyon ng katawan sa larangan, para maabot ang spiritwalidad.

At hindi ito Judeo-Kristianong karanasan, ang pagpapakasakit sa material na buhay para sa katubusan sa isang kaluwalhatian sa pagyao ng katawan. Hindi rin ito Hollywood na pelikula, na ang lahat ng pagpupursigi ay may pangakong masayang katubusan sa pagtatapos ng panonood. Ito ay simplisidad ng laan o naitakas na panahon para sa pangangalaga sa katawan at sarili, kundi man paghahanap ng balon ng buhay.

Noong bago ako tumatakbo, ang ginagawa ko ay brisk walking sa oval. At nayayakag ako ng aktibidad sa panahon ng pagkakausap sa aking mga demonyo. Yung mga nang-aaway, nambabalasubas sa akin ay parang kinukumpronta ko sa lilim ng akasya. Kaya nakakapagod ang pagkatao, kahit na tila lumalakas ang pangangatawan. Tumataas marahil ang presyon habang nakikipagbalitaktakan sa sariling mga multo.

Sa pagtakbo, sumasagi pa rin ang mga multo pero pwede ko silang sabihang, tumabi muna kayo. Hindi naman para sa kanila ang pagtakbo, hindi rin para sa narsisistikong sarili. Ang pagtakbo ay para sa pagtunghay sa kapasidad ng sarili na unti-unti, at tunay naman dayalektikal lamang ang pag-unlad, na mahigitan ang nauna nang karanasan sa pagtakbo. Hindi tulad ng romansa ng Nike na tatapusin lamang ang gawain kapag tapos na ito, kahit pa hindi na kaya ng katawan, ang pagtakbo ay pag-unawa sa relasyon ng pinagmulan at hangganan.

Na ang hangganan ay isa ring material ngunit natitibag na konstrak. Na maari itong lampasan hindi lamang kung nais, kundi kung nais magpursigi. Na walang darating na pag-unlad kung hindi nga nagpupursiging umunlad. At ang hangganan ay lampas-lampasan sa aking kasalukuyan. Balak ng aking kasamang makatakbo kami ng full marathon, 42 kilometro, in this lifetime. At ang aming kakanyanan ay mga 10 kilometro pa lamang.

Kahit i-push pa namin, 21k lamang ang aming maabot. At ang kasama ko nga ay nakakapag-21k na takbo na. Ang tangi ko lamang rekord ay isang fun run sa unibersidad na 5k. Kaya marami-rami pa akong bigas na kakainin. Pero dahil nga nang una akong tumakbo ng 5k, hingal na hingal na ako, isang taon matapos nito, nakaka-10k na rin naman ako. Kaya may inunlad na ito, at tunay naman ang paglalakbay ng ilang libong milya ay nagsisimula sa isang yapak.

Iyon nga lang, apektado rin ang aking pagtakbo sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Kung mahal ang gasolina, mahal din ang gastos kapag pupunta ng kampus para lamang tumakbo. Dumadalang ang aking pagtakbo nang magsimulang mag-ipo-ipo ang presyo ng gasolina. Natatagpuan ko ang sarili na nagski-skipping rope na lamang sa bahay para makuha ang oras na laan sana sa pagtakbo. At ngayon nga, pati ang pagtakbo sa subdivision kong tadtad ng humps ay inaatupag ko na rin.

Sa loob ng isang oras na pagtakbo, na kahit nga minsan ay isang ikot lang sa oval ang katumbas, nababalikwas ang hangganan ng sarili. Natatamo ang pag-usad, at ang paglampas sa pinagmulang kalagayan. May natatagpuang katahimikan sa isang iglap na wala munang halaga ang iba. Na ang sandaling ito ay para sa sariling kapasidad na malampasan ang parametro ng buhay. At may mapayapang iglap na pabaon din ang sandaling ito. Na may katiwasayan ang sarili sa lilim ng akasya.

Kasinungalingan bilang patotoo, Bulatlat.com Column

ingmawetrash

imahen mula sa pedestrianobserver.blogspot.com/2008_03_01_ar…

Kasinungalingan bilang patotoo

Dismayado ang nakakinig kay Jojoc Bolante sa kanyang hearing sa Senado. Una, nag-stick ito sa kanyang script—walang anomalyang naganap sa higanteng fertilizer scam. At sa katunayan pa nga raw, malaking bahagi ng inilabas na pondo ay lehitimong na-liquidate na ng kinauukulan. Ikalawa, walang ugnay ang kaganapang scam kay Gloria Arroyo. At kung gayon, hindi ito kasama sa impeachable case laban sa pangulo.

Heto na naman tayo sa ating “Latin American nobela mode” o mga kaganapan sa panahon ng matinding Cold War at ang lantarang kasinungalingan at karahasan ng panahong ito. Sa marami sa mga nobela ng boom era ng panitikang ito, tila walang accountability—at kung gayon, governance—na nagaganap sa pagpapatupad ng mga polisiya ng imperialismong US, at ang pagbibigay ganansya sa lokal na politiko at higanteng negosyante.

At kahit pa sa post-boom era, ang nangyayaring kidnapping-for-profit; pag-ibig sa panahon ng Low Intensity Conflict (LIC), ang counter-insurgency ng US na ipinapatupad ng mga pambansang pamahalaang nag-aarmas sa vigilante groups; at ang mga postmodernong transnasyonal na kwento ay patuloy na naghuhudyat ng patuloy na karahasan at ang kasinungalingang ipinapalaganap para hindi pumutok ang tunay (real) na kaganapan. Sa mga nobela, mas mahina ang ugnay ng puppet na estado sa imperialismong US. Marami pa nga sa post-boom na panitikan ay naka-set na sa mismong US.

Sa pagsasalita ni Arroyo sa United Nations, parang hindi nakita ang paghaba ng ilong nito sa monotono ng kanyang boses. “Interfaith dialog” ang kanyang moda para matamasa ang global na kapayapaan kahit pa may pagbatikos sa gamit ng dahas sa ngalan ng “tolerance.” Bukod tangi raw ang bansa dahil dramatikong naresolba nito ang “problema sa Mindanao” sa pamamagitan ng interfaith dialog. Na ang kasinungalingan ay nagbibigay-diin at obligasyon na naman sa mismong nakikibaka ng tunay na kapayapaan sa Mindanao na pasinungalingan ang patotoo ng estado ni Arroyo.

Bakit hinahayaan kasing kumahol si Arroyo sa labas ng kural? Aral ang pagsisinungaling ni Arroyo sa edad ng neoliberalismong nagsasaad ng economic rationalization (kapayapaan para maipatupad ang pagpasok ng dayuhang kapital), tolerance (bilang depolitisisasyon sa anumang pagtatangkang mag-ugnay ng politikal na protesta), at state abandonment (mula serbisyo publiko hanggang safety net para sa gitna at abang uri hanggang sa paggamit sa fasismo sa ngalan ng pag-unlad na magtitiyak ng sistemikong pangungurakot ng faksyon ng naghaharing uri). Ang kanyang posisyon ang nagtitiyak na ang pagsisinungaling ay bahagi ng kapangyarihang magbigay-ngalan sa kasalukuyang politikal na karanasan.

Walang ibang presidente sa nauna at kasalukuyang panahon ang gumamit ng lantarang sistema ng pagsisinungaling, pagsasawalang-kibo, paghuhugas ng kamay, at pagbabaling ng responsibilidad sa iba para sa malawakang pangungurakot at pagsasawalang-bahala ng interes ng mamamayan kundi si Arroyo. Sa kasalukuyan, tila naperfekto na niya ang pabalat-bungang substansasyon ng kanyang kapangyarihan—ang pagbaluktot sa katotohanan hanggang ang kasinungalingan ay maging bagong katotohanan.

At sa dinami-rami ng problema ng mundo—ang paparating na epekto ng ekonomiyang meltdown ng Amerika at mga mauunlad na bansa—at ang pagpasa ng estado ni Arroyo sa ordinaryong mamamayan ng pasaning pang-ekonomiya, walang panahon ang mamamayan na bumalikwas sa makulay at maningning na realidad na nililikha ni Arroyo. Paano ka magproprotesta kung sa simula’t sapul pa lamang ay inakda na ang pambansang politika at ekonomiya bilang kanya-kanyang pagpupursigi para sa lagusan ng kapangyarihan?

Apat na kaso ng libel ang iniharap kay Antonio Tinio, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers, ng isa sa mga tagapagtanggol ni Arroyo, si Winston Garcia ng GSIS (Government Social Insurance System). Pati ang libel ay epektibong kasangkapan ng mga pro-Arroyo na personalidad para mapatahimik ang anti-korapsyon na sentimiento ng mamamayan. Sa ibang pagkakataon, ang anti-terorismong digmaan ay gumagamit ng pagkakasong kriminal sa mga personalidad ng progresibong kilusan. Lumilipat ang mga kalansay sa iba’t ibang “mass graves” para lamang makapaghabla, at kung magpakaganito, para makapagdetenido ng mga personalidad sa di matatanyang panahon.

Ang kasinungalingan sa estadong Arroyo ay hindi simpleng pagsasabi ng totoo. Mapapalampas at mapapatawad. May latay ito dahil tinatayang epektibo itong makakapanahimik ng anumang pagtatangkang bumalikwas sa kanyang kapangyarihan. Itong pagsisinungaling ay kadugtong ng pagtatago sa retorika ng anti-terorismo ng patuloy na pagpapatupad ng politikal na pagpaslang at sapilitang pagkawala ng mga progresibong personalidad.

Kung may kapangyarihang ibahin ni Arroyo ang ngalan ng mundo ng kanyang pamomolitika, dalawa lamang ang rekurso ng progresibong kilusan. Una, ibuyanyang ang kasinungalingan bilang ampaw na katotohanan, o ang kontra-estadong diskurso ng paglalatag ng tunay sa simbolikong pambansang kaganapan. Ang kasinungalingan ang simbolikong tunay, ang realidad kung saan ang kasaysayan ng kasalukuyan ay inaakda ng estadong Arroyo. Napakat na ng politikal at ekonomiyang lagay ang mamamayan para tunghayan ang kanilang panlipunang buhay sa modang inaakda para sa kanila ni Arroyo.

At ikalawa, ang pagtataguyod na rin ng progresibong kilusang nakakapagbunsod ng pamayanan. Ang iniisip ko pa rito ay ang pamumuno ng kilusan sa politikal at ekonomiyang kagalingan ng mamamayan—kung paano ang posisyong nakalabas-pasok ay makakapagtakda ng inisyatiba tungo sa kagalingan ng mamamayan. Papatindi ang krisis pampolitika ng bansa at ng global na kapitalismo, magpapalitan ng mga presidente at administrasyon. Bukod sa aktwal na rebolusyon, ano ang rebolusyonaryong pananaw at pagkilos sa kasalukuyan? At paano maaaktwalisa ang rebolusyonaryong pagkilos sa pang-araw-araw na buhay?

Kung ang poder ng kapangyarihan ay nananatili kahit pa binibigwasan na ito ng progresibong kilusan, ano ang “in-the-meantime” o “in-the-moment” na maisasagawa at maisasakatuparan na magdudulot ng rebolusyonaryong kabutihan at kagalingan? Kailangan magkaroon ng “imahinasyon sa pagitan” na habang trinatransforma ang pakikibaka para balikwasin ang mapanupil na kaayusan, paano rin bubuo ngayon pa lamang? Na kahit pa ang estado ay maagnas sa pag-aagnas ng global na kapitalismo, ano ang imahinasyon para sa kolektibong pagkilos sa loob at labas ng aktwal na rebolusyon?

Ano ang rebolusyonaryo sa pang-araw-araw, na tiyak na hindi hiwalay sa pangmatagalang pakikibaka? Paano makakapanghimok sa rebolusyonaryong gawain ng pang-uring pagbabalikwas sa estado sa pagitan—hindi lamang pantapat na pagbabalikwas, kahit ito ang mapagpasya–ng kasinungalingan ni Arroyo, at ng mga susunod pa sa kanya? Paano gagawing hindi matatawaran ang mga buhay na unang inalay na sa bayan at kilusan sa panahong mas dumarami ang politikal na karahasan laban sa mamamayan?

Ang kasinungalingan ng estadong Arroyo ay patotoo sa mapanupil na imperialismong US. Ginagawang katanggap-tanggap ang pagmamangmang sa mamamayan. Ang kasinungalin ay iniwawasto ng progresibong kilusan, inilalatag ang maskara ng paghuhunghang. Ang kasinungalingan ay pinapatay dahil ito ay nilalayong makamatay ng estadong Arroyo. At ang kasinungalingan ay nag-uudyok ng alternatibong pagtatanong at imahinasyon. Tanging ang rebolusyon ang katotohanan.

Nakawan ng Pribadong Pag-aari at Gitnang Uri, Pinoyweekly.org Column

24d32a3b

imahen kay Jeffrey Navarro sa fruitofthegloom.multiply.com/photos/album/6/1…

Nakawan ng Pribadong Pag-aari at Gitnang Uri

Umuwi ako ng hatinggabi kamailan lang. Sa di ko maipaliwanag, hindi ko kaagad mabuksan ang maliit na gate. Wala ring ilaw sa bukanang pinto ng bahay. Nakarinig ako ng tunog ng chime kahit walang hangin. At ang galasgas ng tila hayop sa halaman, inakala kong pusang nakapasok sa loob ng bahay.

Tulad ng mga gabi, uminom ako ng dalawang kutsarang VCO (virgin coconut oil) at dalawang kapsula ng Vitamin C, at tumungo na ako sa kwarto sa itaas. Tulad ng mga gabi, mabilis kong sinara ang pinto, handa ng maghilamos at magpalit ng pantulog. Pero di tulad ng gabi, natagpuan ko ang ilang gamit sa loob ng kwarto na magulo ang ayos. Nawawala ang ilang laman ng container sa may TV, at paling ang mga painting sa ibabaw ng kinalalagyan.

Hindi ko na natiis, hiniyaw ko ang pangalan ng katiwala. Kundi man nakaligtaang magligpit, may hindi awtorisadong paghahalungkat sa kwarto. Imumustra ko na ang kaguluhan ng ilang gamit nang biglang may sumulpot sa ilalim ng kama. Napasukan kami sa loob ng bahay.

Napatakbo palabas ng kwarto ang kasambahay. Natagpuan ko ang sarili kong nakikipagtitigan sa taong nakahubad, nakatitig rin sa akin. Sa labas ng kwarto ay inutusan ko ang katiwala na kunin ang yantok sa kanyang kwarto, pati na rin kutsilyo. Sa pagkaripas ko sa hagdan, tumawag ako ng numero ng guardhouse. Madali kong pinakiusapan ang nakausap na tumungo kaagad sa bahay.

Ilang minuto pa ay nakapasok na ang gwardya. Sinabihan kong nasa tagiliran ng sahig ng kama ang magnanakaw. Bigla na lang nabuo sa isipan ko ang akmang identidad ng tao sa sahig. Ilang saglit pa ay binababa na nila ang lalake, nakasuot na ng tshirt at tila emo ang buhok. Sinabihan ako ng gwardya na antabayanan ko na lang ang sasakyan ng baranggay.

Umakyat kami ng katiwala, tinignan kung ano ang nangawala. Bukod sa mga ilang lalagyan na naglaho ang lamang abibot—rosaryong galing sa Vatican, medalyon, napigtas na beads, isang asul na antigong necklage mula sa Ifugao, at iba pang bracelets na bigay—wala akong natagpuang tunay na mahalagang nawala.

Sa baranggay ay kinuha ang mga pangalan namin, kasama ang guard na nakahuli. Sinabihan kaming dalawa na bumalik kinabukasan para sa inquest. At kinulong ang magnanakaw sa selda, sabay upak ng isang detenido.

Hindi ako nakatulog kaagad. Tinignan ko muna ang bawat sulok ng bahay na maaring pagtaguan pa ng tao: ilalim ng hagdan, ilalim ng kama, shower area ng banyo, sulok ng mga mwebles, at iba pa. Pasilip-silip akong muli sa ilalim ng kama, at sa bintana ng kwartong nakadungaw sa bubong ng kusina, ang pinagpasukan ng magnanakaw.

Kinaumagahan ay sinundo ko ang off-duty na guard at tumungo kami sa presinto. Pinatignan sa amin ang statement. Kinorek namin ang spelling ng aming pangalan. Dahil raw wala namang halaga ang nakuha, “attempted robbery” lang daw ang pwede. Sabi ko ay mayroon namang halaga, at pinasabi sa pulis ang mga item at kanilang halaga. Naging “robbery” ang kaso.

Parang kalahating oras kami ng guard na nag-aantay. Mabagal mag-computer ang pulis, mas mabagal ang dot-matrix na printer. Nang matapos ay tumungo kami sa selda. Pinosasan ang magnanakaw, kasama ng isa pang may kaso ng cellphone snatching. Magkakasama kami ng pulis, akusado, guard at ang nanakawan ng cellphone na nagsisiksikan sa kotse ko para tumungo sa City Hall.

Nakipagkwentuhan ako sa babaeng nanakawan ng cellphone ng alas-tres ng umagang iyon. Call center agent pala siya. Nanlaban siya kaya nahuli ang bumutas sa kanyang shorts para dakmain ang cellphone. Pero hindi na gumagana ang cellphone niya. Malaki ang kanyang paghihinayang dahil siya raw ang gumastos rito.

Dumating kami sa City Hall, umibis sila habang ako ay naghanap pa ng parking. Sa fourth floor ng Hall of Justice, natagpuan ko ang sarili na kasunod ng pulis. Nagpaxerox ito, bumili ng kendi at ako ang pinagbayad. Yung mga nakaposas—wala pa ring tsinelas man lang ang magnanakaw sa bahay—ay pinasunod sa inquest. Sa fiskal, isa-isang mabilis na dininig ang mga kaso.

Pag dating sa akin, tinanong kami ng magnanakaw kung magkakilala ba kami. Tinanong din kami kung magkarelasyon ba kami. Bakla ang lalaking natagpuan sa sahig sa kama sa kwarto ko. Nauna pa ang lalake na tumanggi sa sinabi ng fiskal. Tig-100,000 piso ang bail para sa robbery at cellphone snatching. Labinglimang araw pa ang unang hearing daw. Mabubulok ang mga inaresto sa isang kwartong kasing laki lang ng opisina ko, magkakasama ang mga 20 pang detenido.

Sa paghatid sa mga inaresto at pulis pabalik sa presinto, naalaala ko ang tanong ng fiskal sa inaakusahang nagnakaw ng cellphone, “Binugbog ka ba?” Bago makasagot ang nakaposas ay sinalo na kaagad ng pulis, “Nagkagulo lang po.” Maraming tuyong dugo ang nakaposas, “Sinaksak po ako niya,” sabay turo sa babae. Pero hindi na ito pinahalagahan.

Ibinaba ko ang babae sa kanto ng Congressional at Mindanao. Bumalik kami ang natira sa presinto. Mahaba ang gabi at umaga ng eksena ng nakawan. Pareho kami ng sentimiento ng call center agent. Paglabag ito sa aming pinaghirapang pag-aari. At habang pabalik ako sa akin talagang pupuntahan, naisip kong ang aming asersyon ng pagiging gitnang uri ang siyang yumuyurak sa mas mababa sa amin.

Na kahit walang kalatoy-latoy ang proseso, at ang infrastruktura ng katarungan, maging ang pulisya, sa amin pa rin pala ito nakakiling. At mas lalo akong nalungkot sa kinasadlakan ko, lampas pa sa eksena sa horror film nang matagpuan ko ang katawan ng lalakeng nakapasok sa loob ng kwarto ko.

Ang kwarto ko, ang buhay ko, ang predikamento ko, metapisikal ang pagkakulong sa gitnang uri. Ang mga inarestong tao, naging magnanakaw na, nakakulong na. Hindi pinagsalita, at kahit magsalita, ayaw rin namang pakinggan. Kasing lagkit ng putik sa kotseng nabasa ng mabilisang ulan at dumaan sa makikitid na kalsada ng kapuranggot na lugar sa syudad ang pakiramdam ko.

Politikal na Pagkilos at Akademya, Bulatlat.com Column

fridakahlo460

imahen mula kay Frida Kahlo, www.guardian.co.uk/artanddesign/artblog?page=16

Politikal na Pagkilos at Akademya

Inabisuhan na ang aking kasamahang guro na hindi siya binigyan ng tenure ng kanyang departamento. Na huwag na siyang pumasok sa kanyang klase hanggang hindi naabisuhang pwede pa. Walang nakasulat na paliwanag para sa mga mabibigat na desisyon at order. Kumpleto naman ang aking kaguro sa requirements for tenure: may publikasyon sa refereed journals, mataas ang evaluation ng mga estudyante sa teaching, at maraming committee work na nilahukan.

Ang tanging masapantaha sa pagtatwa ng tenure sa kanya ay ang kanyang politikal na aktibidad. Aktibista ang kagurong ito, kasapi ng progresibong teachers’ organization. Sa isang dapat ay liberal na stance ng akademya, hindi pwede itong i-factor-in. Nakakahiya para sa unibersidad na may astang social critic. Kaya ang desisyon ay nananatili pribado, nilangkapan pa ng jargon ng executive meeting, privilege information, at confidentiality.

Ang asta ng departamento niya ay sintomatiko sa neoliberal na direksyon ng kasalukuyang akademya.

Nilulusaw ang politikal, gayong OK naman ang tolerance sa iba’t ibang politika, maliban nga lang kung ito ay aktibismo ng Kaliwa, na nakabatay sa kilusang masa at pang-uring pagsusuri ng lipunang Filipino. Ang retorika ng panganib ng Kaliwang politika ay hindi hiwalay sa social regulation ng estado.

Ang kaduda-duda sa pagkilos ay marami sa kanyang departamento ay dating aktibista, o nag-aasta na lamang aktibista. Harping on old glories, ika nga, na may pasakalye parati na “aktibista rin naman kami pa,” “kaya nga ako umalis sa kilusan,” “dapat ang kilusan ay ganito, ganoon…” Ang hindi isinasaalang-alang ng ex-aktibista ay ang prefix na nanunuldok na sa kanilang aktibismo.


Una, wala na sila sa kilusan masa, at ang tangi nilang posisyong panlipunan ay mula sa pedestal ng akademya o publikong intelektwal na may limitadong currency. Ikalawa, ang aktibismo ay tinapalan na ng pagsusuring postmodernismo, pluralidad, multiplisidad ng katotohanan, at libertarianismo; na ibig lamang pakahulugan ay ang pag-appropriate ng kasalukuyang buzz words sa kanlurang akademya dahil nga natatabas na ang publikong intelektwal na posisyon ng guro sa pagpiling kumawala sa aktwal na aktibismo.

Nekropolitika ang isinasaalang-alang ng ganitong intelektwal. Pinipiling patayin at paglamayan ang bangkay ng aktibismo, gawing “exhibit A” sa disyerto ng postmodernong landscape at civil society. At ang reiterasyon ng pagluluksa sa aktibismo ay isinasagawa sa bawat contact point sa klase. Mantra na isaad na patay na ang lumang politikal na aktibismo, mabuhay ang aktibismo ng pang-araw-araw na nagbibigay-hustifikasyon sa pagpili ng indibidual at ang kapangyarihan ng kanyang ahensya.


Kaya ang pagsusuri ay ukol pa sa transformasyon ng identidad batay sa pagtanggap sa neoliberalismo. Nakausap ko ang isa pang kaibigan, sinabi ko sa kanya ang aking obserbasyon hinggil sa nangyari sa aming kaguro, at pagsasanga ng pagligwak sa kaguro sa ipinapatupad na kalakarang neoliberalismo, lalo pa sa akademya. Na ang isinasakatuparan ng neoliberalismo ang ang nekropolitika na pumipili sa pagpatay at pagluksa sa aktibismo gayong hindi maaring bigkasin ang isinagawa. Ang aktibismo ang ngalan na ayaw bigyan-ngalan sa pagliligwak ng kalakarang progresibo sa akademya.

Kaya kinausap lamang ang aming kaguro, hindi isinulat ang batayan ng pagligwak at pag-disbar sa mga klase gayong kahit siya hindi bibigyan ng tenure ay may one-year contract pa siya sa kanyang pagtuturo. Mariin pa ngang binanggit na hindi siya nililigwak dahil sa kanyang politika gayong hindi naman isinaad, kahit pabigkas, kung bakit nga ba siya nililigwak. Bakit ayaw tawaging bangkay ang bangkay?


Ayaw kasing magmukhang reaksyonaryo at kontra-aktibismo, sa hayagan, ang mga hinayupak, kahit pa ito ang aktwal na ginagawa nila, patago at hayagan man. Wala itong puwang sa mismong liberalismo at postmodernismong kanilang sinasambit na kumikilala sa pluralidad ng pagkilos at pagbabalikwas sa pang-araw-araw. Dahil hindi pangkaraniwang pang-araw-araw ang aktibismo. Ang aktibismo ay historikal at panlipunang pagtutuos sa karapatan ng nakararaming dinarambong ng iilan.

At naging full-pledged member ng ruling elite ng bansa ang mga nag-disenfranchised sa aktibismo ng aking kagurong kaibigan. Hindi man sila card-carrying member, nag-gatekeep na sila sa class interest ng ruling class sa bansa. Kahindik-hindik ito maging sa unibersidad na may mayamang kasaysayan ng aktibismo. Mapanganib kaya pinapaslang gayong hindi inililibing dahil mas epektibong senyales ang paglalamay sa bangkay kaysa ang krus sa puntod nito. Naghuhudyat ang bangkay ng kapangyarihang pumaslang at kapangyarihang pigilan ang libing.

Sino ang gustong maging bahagi ng lamay na ito? Makakaisip ng retorikal na paliwanag ang mga fakulti na sumangga sa kanyang tenure, at nag-utos na hindi siya papasukin sa klase. Ang kanyang katawan ay pinaslang bilang guro, gayong hindi naman inilibing sa anumang alaala. “Wait until further notice,” bilang pagsasaad ng kapangyarihang ipanatili lamang siya sa limbo ng walang puwang na aktibismo sa akademya.


Pero piniling pumasok pa rin ng kagurong aktibista. Pinili niya ang buhay sa pakikibaka, at ang klasrum at akademya bilang sityo ng pang-uring tunggalian sa estado. Ang nekropolitika ng kanyang departamento, maging ng akademya sa edad ng neoliberalismo, ay nagtatangkang pumigil sa kanyang aktibismo, ng pakikisangkot at pakikilahok sa panlipunang pagbabago. At nagmistulang zombie ang kanyang kaguro sa departamento—buhay na patay, patay na buhay sa pagpiling pumanig sa pang-uring interes ng estado.

Ang tagumpay ng neoliberalismo ay hindi pa ang conversion ng sistema at institusyong panlipunan tungo sa poder ng negosyo, at ang maigting na proteksyonismo ng estado sa uring interes na ito. Ang tagumpay ng neoliberalismo ay ang apropriasyon sa deadwood sa akademya at ex-aktibistang binigyan ng panibagong reli (relevance) kahit pa ito mapa-temporal lang naman. Sino ang tunay na pinaglalamayang bangkay?

Patay na. Tinuldukan na ng kasaysayan ng pakikisangkot sa mamamayan. Pero muli pa ring nabuhay sa serum ng neoliberalismo ng estado! Anong kay papangit na mannequin ang mga ito? Ang pagtanda ng walang ikinatanda, ang wanna-be attitude na maging kabahagi ng aktwal nakapangyarihan, ang pagtingin sa departamento bilang sariling turf, at ang Donya Victorina mode na nag-aastang may kapangyarihan at reli kahit wala naman maliban sa mga dapat i-negate sa akademya?

Takot na ang akademya sa politikal na pagkilos dahil ito ang nagpapaalaala sa naagnas nilang laman—sila bilang nagtuturo ng preserbatibong kalakaran sa kamatayan ng kapitalismo, at ang necessary project na paslangin at paglamayan ang bangkay ng aktibismo at kilusan tumutiligsa sa mapanupil na kaayusan. At sa ganito, nagpaparami sila ng kauring pinakakapit sa kamatayan, mga liga ng zombie na disipulo ng naagnas na panahon, kahalagahan at ideolohiyang preserbatibo ng lahat ng masama at problema sa bansang ito.

Naalaala ko ang balitang gumagamit ng formalin sa mansanas para di lamang ito kumintab, para manatiling mukhang sariwa kahit naninilaw na ang loob. At sa Judeo-Kristianong paniniwala, ang mansanas ang prutas ng katotohanan. Kung ang katotohanan ay may shelf life lang naman, tulad ng isinasaad ng prutas (ang puno ang mas imahen ng mas matagalan na buhay at karunungan), bakit pinapalampas pa sa aktwal nitong buhay? Preserbatibo ng konserbatismo sa panlipunang pagbabago na gamit ang pambala ng ideolohikal na retorika ng mismong neoliberal na estado!

Maliit lamang ang unibersidad pero pakiwari ko ay sumisikip ito sa mga tao at administrador na tulad ng sa departamento. At least, ang mismong administrasyon ay lantarang ang paglalaway sa dagdag na kita sa pag-asikaso ng kabuhayan showcase para sa sarili nitong preserbasyon, kasama ang pinakamalaking balon ng kita mula sa matrikula ng mag-aaral. Ang kadepartamento ng kaguro ay mas patago ang pananaksak sa aktibismo kahit pa magkahalintulad ang proyekto ng panghihina nila rito.

Hindi nagkamali ang kulturang popular sa imahen ng zombie at vampira, ang nekropolitika ng kanilang literal na buhay kahit pa marami sa figura ay anti-kamatayan sa astang paniningil ng moral at historikal na katarungan para sa kanilang kauri. Mabuti pa ang literaryong vampira, hayok sa dugo ng mapanupil na buhay para mabuhay kada gabi. Mabuti pa ang zombie, kolektibong nanlulusob sa mga taong nagtatago sa mall para komentaryuhan ang konsumerismo at arbitrayong kapangyarihan ng may buhay.

Ang fantasya sa kadepartamento ng kaguro ay masasagi ko ang kamay o balikat ng mga ito. Mahuhulog na lamang, at siempre, tulad ng zombie, ay hindi mamamalayan ang pagkawala ng piraso kahit pa kumikilos ang mga daliri. Sasabihin ko sa kanila, “Excuse me, braso at kamay mo o, nakakalat. Pakitanggal naman, nakaharang sa daan.” O pwede ko ring itapon sa lagoon para manatiling mas karumaldumal ang karumaldumal nang patay. Tapos na ang undas at hindi pa nawawala ang bulak sa kanilang ilong.

Serve the People: Ang Kasaysayan ng Radikal na Kilusan sa Unibersidad ng Pilipinas, COMING SOON!

new-image

book cover study by Arnold Alamon