Zoro at Lala, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

picture-372

Zoro at Lala

Sila ang dalawang figurang “kulang-kulang” sa kampus ng UP. Si Zoro ang lalakeng naka-spandex na shorts, may kapa (pinaglumaang flag ng bansa), may takip sa mga mata, tulad ni Zorro. Politikal ang figurang ito dahil may anti-Arroyo slogans ito sa damit.

Kinakausap ni Zoro ang kanyang sarili. Nakaposturang nakapamewang sa gilid ng university oval, parang pose ng superhero. Naglalakad si Zoro na parang may trinatransmit na mensahe sa malayong lugar. May “over” ang tapos ng kanyang mga pangungusap.

Si Lala naman ang babaeng grasa. Nakatambay ito sa antayan ng jeep sa likod ng University Theater at harap ng Bahay ng Alumni. Minsan ay nakita ko si Lala na natutulog sa paanan ng stadium ng tracks. Gusgusin ito kumpara kay Zoro. Nangigitata, at minsan din ay nakita kong may basang tubig sa nakahilatang katawan nito.

Natutulog, kumakain ng kung anong nakita sa basurahan, nakahalandusay sa antayan. Mas aba ang lagay ni Lala. Bagong sulpot pa lamang si Lala, kaya wala pang urban legend hinggil sa kanya. Si Zoro ay kung ano-ano nang balita ang nasagap. Nariyan na ito ay isang henyong nabaliw. O ang pamilya nito ay taga-Krus na Ligas, karatig-lugar sa kampus.

Nakikita ko rin si Zoro na kalahok sa rallies sa kampus. May papel itong bolo na parati nitong minumustrang “Lusob!” Media-savvy rin ito, handa sa photo-op ng mga may bitbit na digicam at nais magpakuhang kasama siya. Kilala si Zoro sa kampus, binabati ito ng mga nagjo-jogging o naglalakad. Kahit din may ilang takot sa kanya.

Si Lala naman ay mag-isa kapag nakikita. Hindi gumagala, nakapwesto lang sa antayan o sa iba pang lugar. Wala ring kumakausap sa kanya, hindi siya binabati. Hindi siya ikonikong figura sa kampus. Iniiwasan pa nga ng tingin na parang sinasabi, “Bakit mayroong ganito rito?”

Na babae si Lala at sinto-sinto ay dobleng pagkaetsapwera nito. Mas aba ang lagay kaya mas mababa ang tingin. Bakit nga ba mayroong ganito sa kampus ng pangunahing state university? Sa isang banda, ipinapaalaala ng kanilang mga figura ang paratihang ineetsapwera ng lipunan—yaong hindi nakapasok, hindi napapaglingkuran ng akademya at serbisyong edukasyon, yaong nasa loob nga ng kampus pero outsider pa rin ang tingin at turing.

At kung ganito, sila ang hindi tinutugunan ng unibersidad. Hinahayaan lang na magkanya-kanya, at ito ang diskarte ng liberal na edukasyon. Tolerance, at kung gayon, walang pakialamanan, at walang akwantabilidad. Sila ang patunay na lumalagapak ang unibersidad at akademya sa poder ng mga taong tulad nina Zoro at Lala.

Paalaala sila ng self-reflexive gesture hinggil sa akademya—na sa mismong ubod ng pinakamataas na edukasyon, sila ay nananatiling wala, winawala, at winawalang-pansin. Anong klaseng institusyon ito? Hinahayaan pero turing ay invisibilidad, pinaglilipana pero hindi naman tinitignan o mababa ang turing.

Kaya sa kabilang banda, sina Zoro at Lala ang reminder na hindi pa “mission accomplished” ang unibersidad. Na sa pugad ng matatalino, may naglipanang sinto-sinto. At ang pagkakahalintulad nina Zoro at Lala sa mga matatalinong tao ng unibersidad ay ang pagkakaroon ng sariling bubble o mundo.

Umiinog sila sa isang mundong hindi lampas ng individual at individualismo. Na ang unibersidad ng mamamayan at sambayanan ay hindi naman naglilingkod para sa lahat, kundi sa klase ng preserbasyon ng unibersidad bilang institusyong tagapagtaguyod rin ng mapanupil at di makatarungang sistemang panlipunan.

At nandiyan ang mga informal na komunidad ng Ripada, ang sub-neighborhood ng kampus, nandiyan ang maninindang walang pwesto, ang pet bottle boys na nangongolekta ng bote para ibenta, nandiyan ang watch your car boys, pati na ang pantali sa buhok girls. Isama na natin ang mga empleyadong isang daan o mas maliit pa ang take-home pay linggo-linggo, mga nabubuhay sa pangungutang, at gurong hindi tine-tenure kahit na akomplisado naman ang mga kahilingan.

Pati na malamang ang mga administrador na mahilig mag-power trip, mag-displey ng karangyaang spectacle kahit sa edad ng ekonomiyang krisis, pati na rin ang clique ng kapangyarihang sila-sila ang nag-uusap at nagpupurihan.

Lahat ng mga ito, hindi man marurungis, naglalakad na Zoro at Lala.